Yan ang Tatay Ko!
Isinulat ni Meliza D. Kawai noong 22 September 2015
Noong ika-16 ng Enero, taong kasalukuyan ang una kong pag inom ng “full dose†na gamot. Labing-apat iyon lahat sa aking pagkakaalala. Noo’y ipinapaliwanag sa akin ng isang nurse ang mga pangalan, side effects at mga bawal kainin tuwing umiinom ng gamot gayun din sa injection. Humingi ako ng pabor sa kanya na ipaliwanag muli ang mga ito sapagkat hindi ako masyadong naging taimtim sa pakikinig noong ipinapaliwanag ito sa akin ng ibang nurse noong “baseline†drugs pa lamang ang ipapainom sa akin.
Napansin ko na ang karamihan sa mga pasyenteng nagpapagamot ay mga nakatatanda. Sa hanay namin, iilan lamang kaming nakababata. Habang pinagmamasdan kong isinasalin ang gamot sa aking lagayan, naumay ako bigla. Lumingon ako at napansin kong malinis, maaliwalas ang paligid at maganda ang sikat ng araw ngunit masyadong tahimik. Malungkot. Tila mabigat ang dinaramdam ng mga tao.
Mahirap para sa mga pasyenteng tulad ko na manatiling positibo ang pananaw sa buhay dahil hindi lamang ang pagkakasakit ang iniinda namin. Sa kabila ng pagiging nakahahawa nito, nariyan ang mga problema sa pamilya, sa pera, sa pag-aaral, ang panghihinayang sa buhay na maiiwan at mga planong kailangan munang isantabi upang matutukan ang pagpapagamot. Mahirap. Hindi mo alam kung paano mo ipagpapatuloy ang pagsuporta sa sarili at pamilya, kung kakayanin mo ang gamutan at kung paano ka magsisimula kung sakaling matapos mo ito.
Karamihan sa mga nakakasabay kong uminom ng gamot ay mga matatanda. Kung baga, mga “highly advanced" na. Nasa yugto na ng buhay kung saan dapat ay nagpapahinga na sila. Ngunit bakit hindi sila sumusuko? Bakit parang mas pinipili pa nilang pahirapan ang kanilang sarili? May edad na, hindi pa ba sila napapagod? Marahil ay dahil buhay pa sila. Siguro dahil sa dami ng kanilang napagdaanan, hindi sila papayag na ang pagsubok na ito lamang ang magpapasuko sa kanila.
Sila ay nagsisilbing inspirasyon ko, mga hinahangaan ko sa tuwing pumupunta ako sa Center para magpagamot. Sa ganoong edad, kinakaya pa rin nila, paano pa kaya ako? Oo, mahirap, masakit at nakapanghihinayang pero mas nakapanghihinayang kung ngayon pa ako susuko. Magwawalong buwan na ako sa gamutan, ngayon pa ba ako titigil?
Saludo ako sa mga Tatay ko sa Lung Center of the Philippines (LCP). Hindi lamang nila ako napapatawa sa mga jokes nila, napapasaya pa nila ang araw ko tuwing nasa gamutan ako.
Para sa akin, ang taong bumabangon, nagpupursigi kahit nahihirapan, ay naroon na sa kung saan man niya nais pumunta. Ang paraan upang manalo, kahit nahuhuli ay ang patuloy na pagbangon.
Keep smiling mga Tatay! Kitakits sa Graduation!
Comments (0)
Add New Comment: