Till Death Do Us Part
Isinulat ni Kasehlel noong 22 September 2015
"That person who enters your life out of nowhere, and suddenly means the world to you..." - Style Estate
(Yung taong pumasok sa buhay mo mula sa kung saan, at syang biglang naging mundo para sa'yo...)
Ano ba talaga ang nararamdaman ng isang ikakasal na? Ang karaniwang naririnig ko ay masaya, nakakatakot, nakakakaba, nakaka-excite at iba't iba pang emosyon. Ganyan na ganyan yung naramdam ko noong ikakasal na ako kila...
Levofloxacin (Lfx), Prothionamide (Pto), Cycloserine (Cs), B6 at Kanamycin (KM). Oo, ikakasal ako sa mga gamot. Yan ang ilan sa mga gamot na ibinibigay sa mga pasyenteng may Multipledrug-resistant TB (MDR-TB).
MASAYA, yaan ang isang naramdaman ko dahil alam kong natagpuan ko na ang kailangan ko. Ikaw ba, anong mararamdaman mo kapag natagpuan mo na ang kailangan mo? Siguradong masaya ka din. Katulad ng sinasabi din ng karamihan na "beginnings are wonderful things..." at para sa akin, isang magandang panimula ito!
Kasama sa pagsisimula ay yong pakiramdam na TAKOT. Ito yung takot na baka hindi ko kayanin hanggang sa wakas. Kahit sabihin natin na 18 buwan lang itatagal ng kasal ko sa mga gamot ay mahabang panahon pa rin yon ng pagsasama (Araw-araw na pagsasama!). Doon unti-unti ko silang makikilala. Makikilala sa paraang hindi laging sa paraan na gusto ko.
Papalapit na ang araw, tapos ko na ang mga requirements tulad ng Social Case Study, Barangay Certificate, sketch papuntang bahay namin at financial support na kailangan bago ma-ikasal sa mga gamot.
Ito na, ito na talaga ang araw. Espesyal na araw na nakatakda, ang palitan ng Vow!
Nurse: Narito kayo para sa inyong espesyal na araw, kung saan kayo ay magsasama at magiging isang laman. Maari niyo nang ipahayag ang inyong vow.
Levofloxacin (Lfx), Prothionamide (Pto), Cycloserine (Cs), B6 at Kanamycin (KM): Hindi ko sinasabi na magiging madali ang buhay natin sa loob ng 18 na buwan, maaring may pagkakataon na mag-aaway tayo. Pero isa lang ang ipanapangako ko sayo, hindi kita iiwan! Wag na wag mo lang akong susukuan dahil hindi kita susukuan. Tandaan mo, para sa baga ko 'to!
Kasehlel: Lfx, Pto, Cs, B6 at KM! Gusto ko lang sabihin na, salamat at natagpuan kita. Hindi ko inakala na makikilala kita kasi sa dinami dami ng gamot, ikaw pa. He he. Pero hindi ako nagsising nakilala kita dahil alam kong ikaw ang The One. Hinding hindi kita susukuan!
Nurse: Diniklara ko na kayong mag-asawa!
Nobyembre 26 ng 2014, ikinasal ako sa gamot.
Nakakapanibago sa umpisa, hindi ako makapaniwala na magkasama na kami talaga. Lumilipas ang araw, mag-uumaga, mag-tatanghali at mag-gagabi. Sa paglipas na araw unti-unti ko pang nakikila ang mga gamot. May panahon na lagi niya'ng pinapakabog ang dibdib ko at medyo pinapahirapan akong matulog. May panahon ding pinaglalaway ako at kinakailangan kong kumain ng candy katulad ng nahiligan kong sampaloc candy. Nagkaroon din ako ng pagkasilaw sa araw or kahit anong liwanag, na kahit hindi ako masyadong pinapatulog ay nakakatulog pa rin ako dahil sa sobrang liwanag at pagkahilo dito. Alam niyo ba, dahil sa sobrang pagkahilo ko, may araw pa na nakatulog ako sa fx at syempre, lumampas ako sa dapat kong babaan. May araw gabi din na bigla akong maiiyak ng hindi ko alam ang dahilan tapos biglang matatawa. Nababaliw na ba ako? hindi, medyo epekto lang ng gamot. At pang huli ang yung biglang may mag "tinnnnnnnngggggg.." sa tenga ko! Ito ay dahil sa injection, araw-araw na injection na parang araw-araw bugbog ang pakiramdam ko.
Hindi madali ang mga nararanasan ko nung mga unang araw at buwan ko sa gamot. May mga panahong pumapasok sa isip ko na hindi ko kaya, gusto ko ng iwan 'tong gamot na to. Hirap na hirap na ko.
Pero sabi nga ng isang quotation na nakita ko sa internet, "You are annoying, you are hilarious, you make me yell, you drive me crazy, but you are everything I want." kaya "till death do us part"!
...everything I want? Baka "everything I need."
Anyway, magkasama pa rin naman kami ng gamot hanggang ngayon. Sanay na ako sa kanya. Totoo nga na sa simula mo lang kailangan mag-adjust. Ngayon nga kaya ko ng maging Sam Smith sa gamot ko, "Oh won't you stay with me...'cause you're all i need." Hindi kagaya dati na Vice Ganda lang ako sa kanya na nagsasabing, "Dahil manhid ka, manhid ka, walang pakiramdam."
Madali lang pala talagang mahalin ang gamot. Kailangan lang ng mahabang pagtitiis.
"Real love is when you are completely committed to someone even when he is being completely unlovable."
(Ang tunay na pagmamahal ay yung ganap kang nakatuon at tapat sa isang tao kahit pa ganap syang hindi kaibig-ibig.)
Comments (0)
Add New Comment: