Sino Ka Ba 'Te?
Isinulat ni Meliza D. Kawai noong 25 August 2015
"Kamusta?"
"Kamusta ka na?"
Ito ang kadalasang bati sa akin ng aking mga kaibigan at dating kamag-aral sa tuwing nakakasalubong nila ako sa daan o naaabutan na online sa Facebook. Malamang ay na-mimiss na nila ako o kaya'y nagtataka kung bakit bigla na lamang akong nagwithdraw sa mga subjects ko at di na pumasok. Kadalasang sagot ko, "Okay lang. Heto, nagpapagaling."
"Anong nangyari sa'yo?"
"May MDR-TB ako eh." Kadalasa'y wala akong ganang magpaliwanag kung anong klaseng sakit ang mayroon ako, pinapayuhan ko na lamang silang hanapin ito sa Google. Marahil ayoko na rin isipin kung gaano kalala ang aking sakit, kung gaano katagal ang gamutan lalong lalo na ang mga gamot. Gayunpaman, alam kong hindi ko ito ikinahiya. Para sa akin, karapatan ng mga nakasama ko ang malaman kung ano ang tunay na kalagayan ko. Hindi lamang para sa akin, kundi para na rin sa kanila.
Ikinatakot ko ang aking sakit para sa mga taong nasa paligid ko, mga taong nakasama ko noong di ko pa nalalaman na may nakahahawang sakit na ako lalong lalo na para sa pamilya ko. Mahirap ang pakiramdam na gusto mong protektahan ang pamilya mo mula sa sarili mo. Gusto mo silang makasama, pero bawat paghinga mo, nangangamba ka na baka mahawa sila sa'yo. Sa tingin mo, ang tanging tulong lang na maibibigay mo ay ang magpahinga at umiwas.
"Kailan pa?"
Kasisimula ko pa lamang tahakin ang ikalawang taon ko sa kolehiyo nang bigla akong nilagnat, nang gumaling ay nasundan ng pag-ubo. Hindi ko ito pinansin sa pagaakalang simpleng ubo lamang ito. Lilipas din. Dumaan ang ilang linggo hanggang ang mga linggo ay naging buwan at nagsimula na akong mabahala. Noong Oktubre ng nakalipas na taon ko lamang nalaman na may TB na ako. Nag gamot ako sa Brgy. Health Center ng 3 buwan bago inilipat sa LCP. Doon ko nalaman na multidrug-resistant (MDR) na pala ang sakit na dumapo sa akin.
"Paano ang pag-aaral mo?"
Nasa ikalawang semestre na ako nang malaman kong may MDR-TB ako. Inabisuhan ako ng doktor na huminto sa pag-aaral upang matutukan ang pagpapagamot. Sayang. Madalas akong manghinayang sa iilang buwan na lang na papasukan ko para matapos ko na ang ikalawang taon. Mapagiiwanan na ako. Madalas ko pa namang sabihin sa mga kaibigan ko na sabay kaming ga-graduate. Malungkot, ngunit sa kabilang banda, mas mabuti nang mahuli, ang mahalaga ay ang matapos ko ang nasimulan. Alam kong hihinto ako, at alam ko rin na sa paghinto ko ay matutulungan ko ang sarili ko para makatapos. Mahirap nang makipagsabayan kung hindi kaya ng katawan, maaaring mauna ka, pero hanggang doon lang. Mauuna ka.
"Kaya mo yan!"
"Ako pa? Kayang kaya! Konting push at kembot lang na may kasamang split."
Malaki ang naitutulong ng mga kaibigan hindi lamang sa ganitong yugto ng buhay. Kailangan mo sila. Kailangan mo ng mga taong susuporta sayo at mauunawaan ka bukod sa pamilya mo. Ang problema ay mas mabigat kung alam mong ikaw lang ang bumubuhat nito. Maaari mo itong ibahagi sa iba. Hindi kailangang maging malungkot habang nagpapagamot. Tao ka pa rin, pwede ka pa rin sumaya. Nanghihina ka man at hindi makatawa, maaari ka pa rin ngumiti. Minsan ang pagpapagaling ay psycological din. Kung hindi ka naniniwalang gagaling ka, magdurusa ka lamang sa kalungkutan at kaalaman na ganoon din ang kahihinatnan ng pagpapagamot mo.
Tulungan mo ang Diyos habang tinutulungan ka niyang gumaling.
"Sino ka ba 'te?"
Ako si Meliza, 18, nasa ika pitong buwan na ako ng gamutan sa MDR-TB. Pag galing ko sa aking sakit, ipagpapatuloy ko ang aking pag-aaral, makakahalik na sa aking mga mahal sa buhay nang hindi nangangamba kung mahahawa sila, makakatawa na nang malakas nang di inuubo at magsisilbing patunay na masarap at masaya ang mabuhay.
Comments (2)
benigno ramos:
Aug 29, 2015 at 08:31 PM
maganda talaga ang buhay....masarap,sa ligayang natitikman...nawalan ng oras sa diyos,kaya siguro nilagyan nya ng pait ang sarap na nararanasan,..para manumbalik sa kanya ..sumandal sa kanya at sumampalataya
Meliza:
Sep 15, 2015 at 07:48 PM
Thank you po.
Tunay nga pong masarap at masaya ang mabuhay.
Patuloy po sana tayong maging mapagpasalamat sa bawat araw na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.
God bless kuya benigno ramos :)
Add New Comment: