Panibagong Simula
Isinulat ni Tiny noong 22 September 2015
Enero 2014 nagsimula ako ng gamutan sa TB; Category I. Napakahirap na tanggapin para sa akin na mayroon akong sakit pero sa kabila nito inisip ko na kailangan kong gumaling hindi lang para sa akin kundi para sa aking pamilya at mga kaibigan. Sa isip-isip ko, pagkalipas ng anim na buwan ay gagaling naman ako at babalik sa normal ang lahat. Nakalipas ang tatlong buwan, pero walang magandang pagbabago sa aking nararamdaman. Ang smear test ko ay nanatiling positibo sa TB bacteria kaya ako ay ni-refer na ng aking doktor sa Lung Center of the Philippines (LCP) upang magpa-GeneXpert.
Sinunod ko ang payo ng doctor at nagtungo ako sa LCP para magpa-GeneXpert. Ipinaliwanag nila sa akin na ang pagsusuring ito ay makakapagsabi kung may resistance na ako sa gamot na rifampicin na isa sa pinakamabisang gamot sa TB. Sa mga oras na iyon muli akong nanlumo at walang humpay ang pagtulo ng luha ko. Habang ipinapaliwanag pa lang sa akin ang tungkol sa laboratory test na ito, ang tumatakbo sa isip ko ay ang posibilidad na Multidrug-resistant (MDR) na ang TB ko. Lalo pang bumuhos ang luha ko nang sinabi sa akin na ang gamutan para sa MDR-TB ay aabutin ng labingwalong buwan hanggang dalawangput-apat na buwan.
Ang paghihintay ng resulta ang syang pinakamahirap na parte ng diagnosis lalo na at naka-amba ang posibilidad na Category 4 MDR-TB na ang sakit ko. Sa panahon ng aking paghihintay ng resulta, wala na akong ibang magawa kung hindi umasa at magdasal na lamang.
Pagkalipas ng ilang araw, nagpunta akong mag-isa sa LCP upang kunin ang resulta ng GeneXpert test. Natatandaan ko na mayroon akong kasabay na kumuha ng resulta nung araw na 'yon. Nung binuksan nya ang sobre ay nagpatulong pa sya sa akin na intindihin ang nakasulat na resulta. Negative ang sa kanya. Iniabot sa akin ang sobre na naglalaman ng resulta ko. Bago ko ito binuksan ay nagdasal muna ako na sana negative din ang sa akin kagaya nung kasabayan ko. Kabadong-kabado ako nung binuksan ko na ang sobre. Pagbasa ko, agad nahagip ng mga mata ko ang salitang "POSITIVE". Nung nakita ko ang salitang 'yon ay gusto ko na lamang maglaho na parang bula. Kung anu-ano na agad ang pumasok sa isip ko. Naisip ko huwag na lang kaya ako umuwi dahil hindi ko na naman alam ang sasabihin ko sa mga tao at kung paano ko ipapaliwanag ang sitwasyon ko.
Ipinakita ko ang aking resulta sa staff sa PHDU at ipinaliwanag sa akin ang ibig sabihin ng resulta ng aking GeneXpert. Pulang-pula na ang mga mata ko sa kakaiyak pati ang dala kong panyo ay basang basa na din dahil sa luha. Binigyan ako ng listahan ng mga dokumentong kailangan upang makapag-enroll sa gamutan.
Isang linggo akong nagkulong sa aking kwarto; walang ginawa kung hindi umiyak ng umiyak, lalabas lang ng kwarto upang kumain at magbanyo. Sa tuwing aalis ako ng bahay, tinatanong ako ng aking ina kung saan ako pupunta. Nagsisinungaling ako sa kanya at sinasabi ko na magpapa-checkup ako kahit ang totoo nun ay kinukumpleto ko ang mga kailangang papeles upang makapag-enroll sa gamutan.
Pumasok ang buwan ng Abril at nakumpleto ko na ang mga kailangang papeles upang mag-enrol.l Hindi pa handa ang kalooban ko na sumabak sa panibago at matagalang gamutan sapagkat iniisip ko kung paano na lang ang aking trabaho. Hindi ako makakapagtrabaho kung ako ay may sakit na nakakahawa. Natatakot din ako na kapag pinayagan na ako ng doktor na bumalik sa trabaho ay maaring maging positibo ulit ako o di kaya mas lumala pa ang sakit ko lalong lalo na at sa ospital ako nagtratrabaho. Maliban doon ay iniisip ko din na paano na ang pinansyal na pangangailangan ko at ng aking pamilya kung labing-walong buwan o mahigit akong magpapagamot ng walang trabaho.
Pagkalipas ng isang linggo ay nagdesisyon ako na sabihin sa aking ina ang tunay na estado ng aking kalusugan, na ako'y mayroong multidrug-resistant tuberculosis (MDR-TB). Ang tanong sa akin ng aking ina, "Ano yon?". Ipinaliwanag ko sa kanya na hindi na tumatalab sa akin ang mga gamot sa TB na iniinom ko kaya kailangan ko ng mas matapang na mga gamot dahil resistant na yung bacteria doon sa gamot na iniinom ko. Binanggit ko na sa LCP ako magpapagamot dahil mas eksperto ang mga doktor dun sa sakit ko at libre din ang mga gamot na ibibigay nila sa akin. Nagulat ang aking ina na ganun katapang ang bacteria ng TB na aking nakuha pero pinalakas niya ang aking loob kahit ang sinabi lang niya ay "Kailan ka magsisimula ng pag-inom ng gamot para gumaling ka na agad?"
Kinabukasan nun ay nagpasama ako sa aking ina sa LCP upang magpa-enroll at makapagsimula na ng gamutan dala ang pag-asa na gagaling ako mula sa MDR-TB at hindi na makakahawa pa ng ibang tao.
Comments (0)
Add New Comment: