PAGSUBOK SA AKING BUHAY

PAGSUBOK SA AKING BUHAY

Isinulat ni Lhady Pink noong 19 October 2015


Lhady PinkSa kasagsagan ng aming pagsasaya noong bisperas ng bagong taon (Disyembre 31, 2014), kami ay naghanda pa ng aming printed t-shirt para salubungin ang bagong taon ng kasiyahan at tuwa sa aming street. Sayaw dito, palaro doon, kanta dito at higit sa lahat hindi mawawala ang mga paputok. Masaya pa kami noon kasi walang nasaktan nang dahil sa paputok dahil puro kasiyahan lamang ang hangad at ginagawa. Nung matapos ang selebrasyon, syempre hindi mawawala ang pagod at antok ng mga tao sa aming lugar. Sa kabila ng kasiyahan at sa hindi inaasahang pangyayari sa lugar namin, ang bubungad pala sa amin ay kalungkutan.

Nagising at naalimpungatan ang mga tao sa aming lugar ng dahil sa isang sunog. Nangyari ito sa isang street na medyo may kalayuan sa amin. Ang pinagmulan daw ng sunog na ito ay "kwitis" na tumama sa bahay. Agad itong nagliyab at hindi naagapan ng mga tao. Kasi dati, pag may nasusunog sa amin, agad itong naagapan.

Noong Enero 1, 2015 lang talaga hindi naapula ang apoy at simula na itong kumalat sa mga bahay sa lugar namin. Panic dito at panic doon! Natataranta na ang lahat. Kami ng pamilya ko, hindi na nakapag-almusal man lamang dahil sa sobrang taranta. Walang hila-hilamos. Bitbit agad nga mga damit, kung ano ng madampot ayon lang bitbitin. Iyong mga requirements ko sa work at iyong mga diploma ko hindi ko man lang nadala maging ang mga personal kong gamit at iba pa naming gamit ay hindi ko na naisable dahil inatake na ako ng hika. Noong nagsimula na ang sunog at wala pa ito sa lugar namin, ang aming dala lamang ay mga damit ko, uniporme ko sa simbahan, mga damit ng magulang ko, konting unan at kumot at bintilador. Tapos gusto ko pa sanang kunin iyong mga napamahal kong pusa na sina, Lyann at Peachy, hindi ko man lamang sila nadala at nailigtas.

Sumaklolo ang aking kuya sa aming bahay at binalikan pa ang ibang gamit kasama na ang telebisyon at DVD namin. Akala namin hindi namin ito nailigtas. Sa sobrang taranta nakaya itong dalhin ni kuya. Gusto pa sanang bumalik ng mga kaanak ko sa loob ng lugar namin hindi sila pinapasok pa. Kami ng pamilya ko at ang ibang tao sa lugar namin ay pinapanood na lang ang nangyayari. Akala ko hindi aabutin ang bahay namin, pero inabot pa din. Akala ko panaginip lang ang lahat, iyon pala hindi. Isa pala siyang totoong pangyayari. Habang pinagmamasdan namin ang usok, tinawanan na lamang namin ito kasi wala naman kaming magagawa dahil nangyari na ang sunog.

Pagkatapos ng sunog, nakitira ang buong pamilya namin sa aking kuya. Ilang lingo din kami doon dahil sobrang usok pa at nangangamoy pa din ang mga nasunog. Ilang araw din naming tiniis ang makitulog sa ibang bahay. Nahihiya din kami sa aking kuya kasi may asawa at pamilya na rin siya. Gumawa ang aking tatay ng tagpi-tagping tulugan doon sa nasunog naming bahay. Tiniis namin ang init, mga lamok, lamig at higit sa lahat walang kuryente. At saka pala namatay ang aking mga alagang pusa na sina Lyann at Peachy, hindi ko man lamang sila nailigtas. Mag-iisang buwan na akong nagpapagamot sa LCP, ngunit hindi pa din naalis yung ubo ko dahil sa lamig at init na dinanas ko pagkatapos ng sunog.

Lhady Pink

Nag-computer ako at nag-post sa LC Survivors FB page upang ipaalam na nasunugan kami. Kinabukasan, binigyan ako ng pera at mga relief goods. Hindi ko inaasahan na ako ay tutulungan nila. Napawi ang lungkot ko dahil ang mga kapwa ko pasyente at mga staff ay nagbigay ng tulong sa akin. May nagpaabot ng patago at hindi nagpakilala. May isang araw na hindi ako pumasok dahil sa hindi kaya ng aking katawan. Sobrang sakit ng katawan ko, siguro dala na rin ng pagtulog ko sa papag at pabago-bagong klima dahil nga wala pang takip ang aming bahay kundi tagping kahoy at tarpolin lang ang aming pananggalang.

Napaisip tuloy ako na parang ayaw ko nang ipagpatuloy ang pag inom ng gamot kasi sunod-sunod ang mga pagsubok na dumarating sa aking buhay at sa pamilya ko. Pero agad akong bumangon sa aking kalungkutan dahil naisip ko na marami pa akong nais gawin at gusto kong matupad ang mga pangarap ko sa buhay. Kaya sabi ko, "babangon ako at muling lalaban para ipagpatuloy ang nasimulang hamon sa aking buhay." Kaya hindi ko hinayaang madagdagan pa ang aking isang absent kaya ako ay nagtuloy pa rin sa gamutan.

Sa aming treatment center ay tulungan sa oras ng kagipitan at pangangailangan, higit sa lahat pati na rin sa kasiyahan. Ang mga magulang ko ang syang nagbibigay ng inspirasyon upang mas maipagpapatuloy pa ang aking laban.

Sa aking pinagdaanan, masasabi kong,"Ang pagsubok sa buhay ay hindi hadlang kundi dapat gawin itong inspirasyon upang matamo ang tagumpay."


Comments (0)



Add New Comment: