Milestone

Milestone

Isinulat ni Maricel R. Buen noong 12 January 2016


Ito na ang karugtong ng kuwento ng buhay ko. Nagumpisa ako ng gamutan sa PMDT (Programatic Management for Drug-Resistant TB) noong July 13, 2013. Ito ang tinatawag nilang baseline. Bago mag-umpisa sa gamutan, ito ang ipinagagawa sa mga pasyente: magpasa ng unang sputum specimen para sa smear at pagkatapos magpapakuha ka ng blood chem at x-ray at magpapasa ka ulit ng pangalawang sputum specimen para ulit sa smear. Kapag nagawa mo na lahat ito, may magpapaliwanag na nurse sa'yo kung ano ang mga uri ng gamot ang iinumin mo at kung ano ang mga reaksyon at epekto ng gamot na ito sa katawan mo . Iyan ang unang hakbang na ginawa sa akin noong ako ay mag-umpisa. Noong unang araw ko, inunti-unti ko ang pag-inum ng gamut. Ito ay ayun sa timbang mo, 3 pyrazinamide, 2 cycloserine, 2 b6, 2 levofloxazine,at noong pangatlong araw na ako sa gamutan, kompleto na ang gamut na ibinigay sa akin, may kasama pang paser.

Noong unang buwan ko ang sabi ko, hindi naman pala mahirap uminom ng gamot, maning-mani nagbibiruan pa kami ng mga kasabayan ko. Ngunit makalipas ang pangalawang buwan ko, sumasakit na ang mga kasukasuan ko pati braso at pige ko dahil sa injection. Ang sabi ko, " Ano kaya kung magsayaw ako ng Macarena?" Ginawa ko iyon na may hawak na maligamgam na tubig na nasa bote ng ketsup at kung minsan yelo na nasa bimpo at inililipat-lipat ko sa aking mga braso at pige. "Oh di ba para na akong nagsasayaw ng macarena." At unti-unti na akong nakaramdam ng kaginhawahan sa aking katawan lalo na noong lagi akong nagpakonsulta sa aming doktor at binibigyan nila ako ng gamot para sa ADR (Adverse Drug Reaction). Ang sabi ko hindi bale ng dumami ang gamot na iniinom ko, basta't makayanan ko uminom at maiwasang lumala ang TB ko at para hindi na ako lumiban sa gamutan.

Maricel R. BuenNang nasa ikatlong buwan na ako, hindi ko inaasahan na makakatanggap ako ng tulong para sa pamasahe ko galing sa programa. Inaamin ko, malaking tulong ito para sa akin at sa pamilya ko lalo at hindi na ako nakakapagtrabaho at ang mister ko na lang ang naghahanapbuhay para sa amin. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa mga nurses at doctor lalo na sa programa at sa Global Fund, kasi, bukod sa libreng gamot ay may tulong pa para sa pamasahe.

Nalaman ko rin noong ikatlong buwan ko na negative na ako, ibig sabihin hindi na ako nakakahawa. Ang saya-saya ko. Pwede ko nang lapitan, halikan, at lambingin ang mga anak ko lalo na ang asawa ko. Makakatulong na ulit ako sa aking asawa na maghanapbuhay para sa kinabukasan na rin ng mga anak ko, at makakatulong na rin ako sa mga gawaing bahay. Parang normal na ulit ang buhay ko, kaya nagpatuloy ako ng gamutan.

Sumapit ang aking ika-anim na buwan, ang sabi sa akin maganda daw ang resulta ng aking x-ray at maganda rin daw ang resulta ng aking culture, kaya tinanggalan na ako ng injection. Masarap pala ang pakiramdam ng walang injection.

Nang ikaanim na buwan ko ay nakatanggap rin ako ng ng Milestone Allowance Incentive Package (MIP) Halagang limang libong piso. Malaking tulong nito sa kagaya kong maysakit.

Noong una ang ginagawa ko ay iinom ako ng mga alas 8 at uuwi ako agad ng bahay para sa bahay ko na maramdaman ang pagkahilo at pagsusuka. Akala ko noong una ako lang ang nakakaramdam ng ganoon, kaya nag-umpisa ako magpalipas ng oras sa Lung Center at nagtanong tanong ako sa kapwa ko pasyente at nag-umpisang makipagkaibigan sa mga kapwa pasyente. Marami rin akong mga naging kaibigan kaya bihira ko ng maramdaman ang mga ADR.

Minsan inanyayahan ako na dumalo sa pagpupulong ng mga pasyente na myembro ng PSG (Patient Support Group). Ipinaliwanag nila sa akin kung ano ang ibig sabihin ng samahang ito at ipinaliwanag kung ano ang mga ginagawa nila. Ang PSG ay isang samahan ng mga pasyente na kasalukuyang nag gagamot na nagtutulungan para sa ikakasiya ng mga kapwa pasyente tuwing General Assembly.

Ang General Assembly ay ang pagsasama-sama ng mga pasyente tuwing huling Sabado ng buwan, na kung saan nagkakaroon ng programa, nagkakaroon ng palaro at nagkakaroon din ng mga impormasyon patungkol sa gamutan. Naging aktibo akong myembro at opisyal ng PSG, nabigyan din ako ng pagkakataon magbantay ng livelihood na maliit na tindahan - tinatawag na tindahan ni Aling Puring; para ito sa mga pasyente. May isa rin livelihood ang LCP PMDT na kung tawagin ay RIF Manila na kung saan tumatahi kami ng mga letra, ito ay gawa sa tela na ni-re-recycle para maging keychain. Naging isa ako sa mga mananahi nito at malaki ring tulong itong pananahi kasi naiiwasan kong isipin ang mga side effect ng gamot.

Noong ako'y may isang taon nang tuloy-tuloy sa pag-inom ng gamot, nakatanggap ulit ako ng MAIP- limang libo ulit. Lalo akong nagpursigeng pumasok at hindi lumiban sa gamutan. Dahil sa natanggap ko, nagkaroon ako lalo ng lakas ng loob para ipagpatuloy ang gamutan. Malaki ang pasasalamat ko at sa LCP NCPR PMDT ako napunta kasi hindi ko naranasan ang i-diskrimina ng mga nurses, staff, at doktor. Ang turing nila sa aming mga pasyente nila ay parang pamilya na laging nag-aalaga at nangangalaga. Lagi nila kaming tinatanong kung kumusta na kami. Dahi dito lagi kong iniisip kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw pagpasok ko kaya hindi ako nainip. Naging myembro rin ako ng KABAGA na kung saan sumasama kami sa isang nurse na naghahanap ng mga pasyente na palagiang lumiliban sa gamutan at tinatanong namin kung bakit sila nakakaliban. Marami na rin nakabalik at nakatapos na rin sa gamutan. Masaya akong makatulong sa kapwa pasyente. Nakatapos ako ng gamutan noong Enero 29, 2015, na may karangalan kumbaga. Nakatapos ako at nakatanggap ako ng sampung libong tumataginting-- may panimula ulit ako.

Isang nanay na nakatapos ng gamutan sa tuberkolosis, para sa sarili ko, para mga anak ko at para sa pamilya ko. Ngayon ay isa na akong MDR-TB SURVIVOR. I'M OUT AND PROUD…

Maraming salamat po sa lahat - PBSP, Global Fund, LCP/NCPR-PMDT at sa mga kapwa pasyente. Pagpalain po kayo ng Maykapal.


Comments (0)



Add New Comment: