Mapagbirong Tadhana

Mapagbirong Tadhana

Isinulat ni John Carlo "Caloy" Sabardo noong 8 October 2015


Isang pinagpalang araw sa lahat. Bago ko umpisahan ang yugto ng mala-nobela kong kwento, magpapakilala muna ako at magbibigay din ako ng kaunting background sa aking buhay.

John Carlo "Caloy" SabardoAko si John Carlo Sabordo, pero Caloy at Huwan ang madalas na tawag sa akin. Dalawampu't limang taong gulang. MDR-TB survivor. Natapos ko ang gamutan ko noong Agosto 26, 2014. Ako ay isang Kristiyano, manunugtog sa simbahan, rebolusyonaryo, naging Volunteer Production Staff sa isang camp sa Zambales, raketista (mahilig rumaket) at marami pang iba. Ilan lang lamang yan sa mga aktibidades na lagi kong pinagkakaabalahan. Sa sobrang dami ay hindi ko namalayan na bumagsak na pala ang resistensya ko. Nakalimutan ko din pala, ako ay isang palabirong tao kahit ang sarili ko minsan binibiro ko din. Madalas ko din kinakausap ang sarili ko pero hindi ako baliw (haha). Isa din akong masayahing tao katulad mo na normal ang ginagawa noon at biglang nagkaroon ng sakit na Tuberculosis.


Sa kasalukuyan, ako ngayon ay isang Freelance Photographer/Graphic Artist. myembro din ako ng organisasyong Samahan ng Lusog Baga. At isa din akong "Medyo Volunteer Photographer" sa treatment center na aking napagtapusan bilang ganti at pasasalamat sa lahat ng tulong na ibinigay nila sa akin para ako ay gumaling. Tuwing General Assembly at may mga masasayang events ang treatment center, lagi akong nandoon para kumuha ng litrato.

Hayaan niyong ibuod ko at ikwento sa inyo ang mga kakakaibang pangyayari sa buhay ko na hinding-hindi ko makakalimutan bago nakumpirma na may MDR-TB ako.

Bago pa man ako dapuan ng TB ay nagkaroon muna ako ng Pneumonia. 'Yon talaga ang pinaka-una kong sakit na halos nagpabagsak ng katawan ko. Dalawang beses akong nagkaroon ng Pneumonia. Una ay 2012 ng Enero. Napakagandang salubong sa Bagong Taon ang maospital ng ilang linggo. At ang pangalawa noong Mayo 2012. Dito na nagsimula na magkasabay ang TB at Pneumonia. Nagkaroon pa nga ng ispekulasyon ang mga doktor na may bukol daw ang aking baga dahil sa nakita nila sa x-ray ko kaya dali-dali nila akong pina-CT scan para malaman kung bukol nga talaga iyon. Sa totoo lang dun pa lang sa pagsabi ng doktor na baka may bukol ang baga ko eh unang-unang pumasok sa isip ko baka may cancer na ako o tumor.

Pinipilit kong ibaling ang atensyon ko sa positibo at piniling ngumiti na lang sa mga kausap kong doktor kung ano nga ba mga dapat kong gawin pero habang nakangiti ako ay tinatanggap ko na kung ano man ang mga mangyayari sa akin kahit mahirap ang kalagayan ko. Ano pa nga bang magagawa ko kung magkaroon ng bukol eh nandiyan na yan eh. Minadali ko nang tinanggap ang kalagayan ko sa panahong yun dahil yun na talaga ang resulta. Eh kung magmumukmok pa ako mas lalo lang akong mahihirapan. Pero nung naihanda ko na ang sarili ko sa sasabihin ng doktor… tingnan mo nga naman ang tadhana, hindi naman pala bukol ang mga nakita nila kundi mga plema na namumuo dahil hindi daw mailabas-labas. Ang laking ginhawa na sa akin non nung sinabi ng doktor na wala naman palang bukol pero may pahabol siya na "pero" dalawa daw ang nasa baga ko. Yung dating sakit ko na Pneumonia at meron pa daw isa pang nakita sila at yun nga yung TB. Nung nalaman kong TB yung isa, napatanong ako sa sarili ko "teka-teka paano nangyari yun?" at may mga pahabol pa nga akong mga biro sa sarili ko na nasaisip ko "halos lahat ng sakit ko sakit ng mga matatanda ah, wala bang mas pang bata? Gaya ng beke?" Kaso lang wala talaga pinipiling edad ang sakit eh. At yun na nga ang nangyari sa akin. Na-confine ako ng isang linggo upang gamutin muna ang Pneumonia, at nang makalabas na ako ng hospital ay agad nila akong in-enroll sa DOTS para sa anim na buwan na gamutan. Natapos ko yun ng walang mintis sa pag-inom sa kadahilanang gustong-gusto ko nang gumaling at magsimula ulit ako sa mga ginagawa ko sa buhay.

Nobyembre 2012 ay cleared na ako sa TB. Yun ang akala ko. Kung ako mapagbiro sa sarili ko, mas wala na atang tatalo sa biro ng tadhana. December 2012 tandang-tanda ko talaga dahil ang gandang pamasko sa sarili itong nangyari na naman sa akin. Nasa TESDA ako nun para sa Training. Sakto nun Christmas break ng school nakaramdamdam nanaman ako ng pananakit ng likod at pag lagnat pero ito ay kakaiba na. May kasama na nga siyang panlalamig at bigla akong pinagpapawisan sa madaling araw. Hindi ko pa sinasabi sa magulang ko dahil baka simpleng lamig lang yun at pakiramdam ko lang nilalagnat ako dahil alam naman natin na December malamig talaga ang panahon na yan. Pero nung nagsimula na yung pagpapawis dun na ako nabahala ng sobra. Sabi ko pa sa sarili ko nun "Ay grabe na 'tong nangyayari sa akin ah, totoo ata yung kanta ni Gary V. na nawawala bumabalik heto na naman..." dahil nasa isip ko kung may babalik man sa sakit ko dalawa lang ang pagpipilian TB o Pneumonia.

Ayun na nga naging suki na kami ng emergency room at ang nakakatawa pa dun kilalang-kilala na ako ng doktor sa E.R.. Sabihan ka ba naman ng "Long Time, No See." , siguro dahil sa binibiro ko sila pag dinadala ako sa ospital at natatandaan nila ako. Pero eto na nga at balik na naman sa proseso at kung ano-anong exam. Para ngang nasanay na ako sa paulit-ulit na proseso dun sa ospital eh. Dahil sawang-sawa na ako sa nangyayari sa akin. Paulit-ulit na lang yung nangyayari at gastos na naman ito. Nakikita ko sa mga magulang ko na gusto nila akong gumaling pero ako sawang-sawa na ako, sobra. Isang beses nga, sa loob ng kwarto ko habang nangangatog ako sa lamig, pumasok ang aking Tatay para alalayan ang aking Inay sa pagpunas ng basang bimpo para bumaba ang aking lagnat. Sandaling pinatigil muna ng aking Tatay si Inay sa pagpupunas para kami ay manalangin. Yung pangyayaring yun ang nag-alis ng mga negatibong pananaw sa isipan ko. Kaya mas pinili kong lumaban sa oras na iyon dahil gusto ng mga magulang ko gumaling ako. Habang kinakausap ng magulang ko yung doktor, ang panalangin ng aking Itay ang naglalaro sa isip ko. Pakiramdam ko ng mga panahon na yun ay nasa ibang dimension ang utak ko. Hanggang sa maitatak ko sa isip ko na kahit anong mangyari, kung ano man ang kakaharapin ko ay, sige ipagpapatuloy kong lumaban para sa buhay ko.

Ito naman ang talagang saysay ng tao dito sa mundo, ang gawing kapakipakinabang ang sarili para sa lahat. At ayon na nga, binanggit na ng doktor ang sakit ko. Inaasahan ko sakit na naman ito ng matanda pero ang sabi ng Doktor " Alam mo hindi na namin malaman ang sakit mo, mas mabuti pang magpunta ka na sa espesyalista. Subukan mo sa Lung Center." Aba'y akalain mo yun sasabihan ka ng doktor na hindi nila alam ang sakit mo. Halos anim na x-ray na ang pinagkumpara at sasabihin lang na ganon. Pero hindi naman din daw Pneumonia ang sakit ko. Maaring bumalik ang TB ko. Sabi ko sa Nanay ko "Subukan na lang natin sa Lung Center."

At nagtungo nga kami sa Lung Center. Hindi kami namasahe kundi naglakad kami kahit hirap na hirap na ako. Alam ko naman na wala na kaming budget para sa pamasahe o pang taxi. Ang biro ko na lang sa sarili ko at kay Inay noon ay "Ay kaya ko yan lakarin, sanay ako sa lakaran. Exercise kaya yan Ma." At nakarating nga kami sa Lung Center at daig ko pa ang kabayong lawit ang dila dahil sa pagod kahit na napakalapit lang ng aming nilakad. Nasa isip ko naman noon ay kung sakaling mag-collapse ako. Sakto naman na emergency eoom lang din babagsakan ko eh, ganon din. Ako'y pinaupo sa wheel chair habang ini-interview ng mga espesyalista. Inilabas ang anim na x-ray at isa-isa nilang pinagkumpara sa bago kong x-ray. Sabi sa Nanay ko na ire-refer daw kami sa PHDU para itest ang mga sputum ko dahil posible ngang bumalik ang TB na na dating sakit ko. Pinauwi na kami ng doktor sa Lung Center at nagsadya na kami kinabukasan din sa PHDU para magpa-screening kung positibo nga ba akong muli sa TB. At ayun, inisa-isa at ipinaliwanag sa amin ng Doktor ang mga posible kong mabagsakan na gamutan. Sabi ko pa nga sa sarili ko "Pwede bang Cat II na lang para titiisin ko kahit may Injection pa yan matapos lang" habang nagsasalita yung doktor na nagpapaliwanag. Pagkalipas ng ilang linggo muli na naman talagang nagbiro ang tadhana sa isa na namang pagkakataon lumabas na ang resulta ng mga sputum test ko sa PHDU. Ayun positibo ako sa MDR-TB. Yung inaasahan kong walo hanggang sampung buwan na gamutan ay magiging labing-walong buwan pa. At hindi lang yun, anim na buwan na injection ang bubunuin ko. Tingnan mo nga naman. Kung game show sa telebisyon itong sakit na 'to baka jackpot na talaga ito.

Tinawagan kami sa bahay ng staff sa PHDU na kailangan na nga akong i-enroll sa nasabing gamutan. Ang tindi lang di ba? Kung iskwelahan 'to, para na akong nag-masteral dahil nakatapos na ako ng gamutan noon at eto na naman ako sa enrollment ng gamutan. Nagsimula akong mag gamot ulit noong February 2013.

Tignan mo nga naman ang pagkakataon di ba? Nakakatawa minsan isipin ang ginagawa ng tadhana sa mga buhay natin. Binibigyan tayo ng mga kakaibang direksyon para mapabuti ang ating mga sarili. Kahit alam naman nating mahirap, minsan isusugal na natin ang natitirang pag-asa dahil alam naman natin na ang lumalaban para sa tama ay nagwawagi. Pinili natin ang tama para sa atin. Yan ay ang magpagamot. Binigyan tayo ng isa pang pagkakataon, kung sasayangin pa natin ang nag-iisang yan ay sa bandang huli ay tayo din ang kawawa. Mas mabuti na ang sinubukan at lumaban kaysa naman sa piliing manahimik at magtago na lang. Naaalala ko pa nga yung sinabi sa akin ng isa kong kaibigan sa gamutan noon na tumatak sa isip ko ay "Sa una pa lang ng pag pili mo na magpagamot, dun pa lang panalo ka na." Paano pa kaya pag natapos mo na di ba?

Gamitin natin ang slogan ng DOH na pinauso ni Juan Flavier noong 90'S yung "Let's DOH It." Napakagandang pilosopiya sa buhay niyan. Huwag mo nang hintayin pa na may magsabi sa'yo na magpagamot ka. Gawin mo na agad. Sana ay lagi nating tandaan na tayo mismo ang daan para sa ikabubuti ng ating mga sarili. Kung hindi mo ito pagpapahalagahan mananatili ka na lang ganyan.

Sana nagustuhan nyo ang unang yugto ng aking unang blog. Umpisa pa lamang ito. Masaya kong ibahagi sa inyo ang aking kwento. Marami pa akong isusulat na mga "MIS ADVENTURES" ng buhay ko noong naggagamot ako ng labing-walong buwan. Hindi dito natatapos ang pakikibaka ng buhay ko. Sabi nga sa pelikula ni Supremo Andres Bonifacio "Hindi pa tapos ang rebolusyon." Hanggang ngayon ay kaisa ako sa mga taong tumutulong at nakikibaka sa pagsugpo ng sakit na TB -para mawakasan ang mga diskriminasyong dulot ng sakit na ito. Nawa ay suportahan nyo din at ang iba pang manunulat dito sa website na ito dahil isa din kayong inspirasyon para sa lahat.

Maraming salamat! Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang mga mambabasa! Mabuhay lalo ang mga lumalaban at nagpapatuloy sa gamutan! Pagpalain nawa tayong lahat ng Dakilang Manlilikha.


Comments (0)



Add New Comment: