Kailangan Kong Gumaling
Isinulat ni Purple Butterfly noong 25 August 2015
Maaga akong naulila sa ina dahil sa sakit na TB. Ang tatay ko nagka- TB din pero uminom siya ng gamot sa health center di katulad ng nanay ko, ayaw mag-gamot. Ang tatay ko noong nakakaramdam ng ginhawa tinigil niya ang pag-inom ng gamut, at akala ko okey na siya nun. Bata pa ako noon kaya hindi ko alam na anim na buwan pala dapat ang gamutan sa TB.
Maaga akong nag-asawa at nagkaanak. Taong 2009, noong ipinagbubuntis ko ang aking pangatlong anak, nagsimula na ang panghihina ng aking tatay hanggang sa tuluyan siyang namatay. Taong 2010 nagsimula na akong magtrabaho. Maayos naman ang pakiramdam ko at alam kong wala akong sakit. Akala ko hindi ako tatalaban ng sakit na TB kaya tuloy din ang bisyo kong paninigarilyo na sinabayan ko pa ng pagdi-dyeta.
Sinubukan kong maghanap muli ng trabaho noong matapos ang aking kontrata sa aking pinapasukan. Noong panahong iyon ay may nararamdaman na ako. Hindi na ako nawawalan ng ubo't sipon, isang taon na. Sumasakit na din ang likod ko. Pero binalewala ko lahat yun. Dumating ang araw ng pagpapasuri sa doctor para sa bago kong trabaho. Ayun na nga, lumabas sa x-ray na may TB na ako!
Sabi ng Tita ko may libreng gamutan daw sa center para sa sakit ko. Nagpunta ako sa center. May sputum test na pinagawa, at nag-positibo din ako doon. Kaya kailangan ko na tanggapin na may TB na ako. Nahihiya ako sa mga taong nasa health center kasi mga kapitbahay ko din sila. Ayokong pagtsismisan nila ko! Pero wala naman akong magawa, kailangan ko talagang magpagamot. Anim na buwang gamutan, natapos ko ng walang palya. Ang saya-saya ko dahil natapos ko na din sa wakas. Nakalagay na sa booklet ko, "cured". Ang ibig sabihin non, magaling na ako. Disyembre 12, 2013 yun, sabi ko napakagandang pamaskong regalo nito.
Makaraan ang dalawang buwan, Pebrero, buwan ng aking kapanganakan, nanonood ako ng telebisyon ng biglang nag-iba ang pakiramdam ko, nasusuka ako, nauubo. Tumakbo ako sa banyo at pagsuka ko, dugo! Natakot ako, ninerbyos cukaya hindi ko sinabi sa pamilya ko hanggang sa naulit muli. Nung pangalawa, mas marami na. Mas nakakatakot. Nagtanong na ko sa Tita kong doktor. Ang sabi nya, magpa x-ray daw ako at ipakita ito sa kanya. Dinala ko sa tita ko ang luma at bagong x-ray ko. Nung pinagkumpara nya, nagulat sya dahil mas lumala daw ako. Yung unang x-ray ko wala pang butas ang baga ko, sa pangalawang x-ray ko, mayroon na. Kaya sabi ng tita ko magpatingin daw ako sa isang pribadong doktor.
Pangalawang gamutan na ako, pero sabi ko ayos lang yan, dito siguradong gagaling na ako. Naisip ko na parang hindi epektibo ang gamut na ininom ko sa health center. Lalo lang nilang pinalala ang sakit ko! Akala ko madali lang din ang gamutan. Mas mahirap pala ngayon kasi may ineksyon na. Pero iniisip ko na kaya ko ito para sa mga mahal ko sa buhay na palagi akong sinusuportahan.
Ang sabi ng doktor, yung anim na buwan dadagdagan ng tatlong buwan, bale syam na buwan ang gamutan ko sa TB. Mas matagal pero sabi ko okey na yon basta mas sigurado ang paggaling ko. Sobrang hirap ang tiniis ko dahil sa sakit ng turok ng karayom at lalong nagpahirap sa aking yung side effects ng mga gamot. Awang-awa sa akin ang asawa at mga anak ko kasi dumating sap unto na iyak ako ng iyak sa sakit at sa hirap. Magdamag akong gising, umiiyak lang ako.
Sa ikalawa o ikatlong buwan ng gamutan ko ay nakabawi na muli ako ng lakas. Napagod na siguro maglaban at magaway ang gamot at mikrobyo sa katawan ko. Normal na ulit ang pakiramdam ko. Noong anim na buwan na ako sa gamutan, sabi ng doctor umulit daw ang sakit ko pero hindi daw multidrug-resistant (MDR) ang sakit ko kasi tumalab sa akin yung gamot. Napakagandang balita! Sabi pa niya paglipas ng isang buwan, bumalik daw ko at magpa x-ray ulit.
Nung pagbalik ko, iba ang reaksyon ng doktor sa x-ray ko, hindi sya nakangiti; seryosong-seryoso sya. Yun pala, nahawa daw yung kabilang baga ko! Doon na ako naiyak talaga! Lahat ng bawal hindi ko ginagawa, sumusunod ako sa pag-inom ng gamot at hindi ako pumapalya tapos ganyan pa din ang resulta, may TB pa din ako! Inisi na inis nako, dahil ayaw talaga akong lubayan ng sakit na ito. Naisip ko nga na siguro dito sa sakit na ito na din ako mamamatay kasi ang mga magulang ko ito ang ikinamatay. XDR ang nanay ko at MDR ang tatay ko. Sabi ng doktor, gagaling pa daw ako, wag daw akong mag-alala. Pinapunta nila ako sa Tropical Disease Foundation (TDF) sa tapat daw ng Makati Medical Center. Doon daw siguradong mapapagaling ako dahil mga kaso ng MDR daw talaga ang ginagamot don.
Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa asawa ko ang tungkol sa sakit ko. Hindi ko din alam kung pano ko tatanggapin na may ganitong sakit ako. Inisip ko ang mga anak ko. Inisip ko na malala na ako at hindi magtatagal, mamamatay na din ako. Madaming kumausap sa akin, asawa ko, mga hipag ko, Tita, malalapit na kaibigan. Huwag daw akong mawawalan ng pag-asa. Palagi ko daw isipin na maraming nagmamahal sa akin at isipin ko daw ang mga anak ko.
Nilakasan ko ang loob ko at nagpasama ko sa Tita ko. Pumunta kami sa TDF noong Pebrero ng 2015 at may pagsusuri daw na gagawin para malaman kung MDR na talaga ko. Pero alam ko na; malakas ang pakiramdam ko na positibo, MDR na talaga. Nung natanggap ko ang text na nagsasabi ng resulta ng pagsusuri, handing handa na ko. Alam ko na positibo ako sa MDR-TB. Hindi ako nagkamali, positibo nga. Natulala ako at parang naiiyak.
Ipinaliwanag na sa akin ang magiging gamutan ko; araw-araw na pagpunta sa TDF at pag-inom ng gamut. Hindi ko na masyadong naiintindihan yung ibang sinabi kasi parang lumilipad na ang isip ko. Pag-uwi ko sa bahay nagtanong na ang asawa ko. Dun na ako umiyak ng sobra sobra! Ang hirap tanggapin. Uulit na naman ako sa umpisa at ang nakakaiyak sa lahat yung may posibilidad na mahawaan ko sila. Sabi ng asawa ko magpagaling daw ako para sa kanila kaya sila ang inspirasyon ko sa pagpapagamot ko. Kailangan kong gumaling para makasama ko pa sila ng matagal.
Mahirap ang gamutan, oo, pero kailangan magtiis para gumaling. Malapit na akong mag-limang buwan sa aking gamutan at alam kong kaya kong matapos ang labingwalong buwan.
Comments (1)
rons:
Mar 27, 2017 at 08:31 AM
kawawanaman gagaling karin .basta sundin talaga ang gamutan.my tb din ako pero kagagaling lang noon 20 4 2017.natakot tuloy ako nong mabasa ko ang kwento mo..naawa din ako sayo..gagaling karin.
Add New Comment: