Isa ka din bang Preso?

Isa ka din bang Preso?

Isinulat ni Tiny noong 2 November 2015


Tiny

Alam niyo ba ang kantang "Bilanggo" ng Rizal Underground? Yan ang naisip kong bagay na bagay talaga sa aming mga pasyente na nag-gagamot ng labingwalong buwan o mahigit pa sapagkat hangga't hindi kami gumagaling ay kailangan naming uminom ng gamot araw-araw sa Treatment Center. Nakakulong din kami araw-araw sa mga side effect ng gamot para sa TB. Tulad ng isang preso sa loob ng bilangguan ay madami kang taong makikilala na maaring maging kaibigan sa 'loob'.

Naalala ko pa nung unang araw ko na pagpasok sa Treatment Center ay nagmasid-masid muna ako sa paligid at pinagmasdan ang mga ginagawa ng mga tao. Napansin ko na mayroong iba't ibang numero ang Tent para sa uri ng pasyente. Ang Tent 1 (Intensive Phase) ay para sa mga positive na may injection pa, Tent 2 (Intensive Phase) para sa mga negative ngunit may injection pa, Tent 3 (Continuation Phase) para sa mga negative na walang injection at ang Tent 4 (DOTS) ay para naman sa mga pasyenteng may TB na hindi Category IV.

Unang araw ng inuman sa Tent 1. Habang nag-aabang at nakapila ay meron akong nakausap na isang binatilyo na ang pangalan ay Born. Tinanong ko siya kung mahirap ba ang inuman ng gamot? Ang sabi niya ay "mahirap pero kaya naman". Naisip ko na dahil sinabi niya na "kaya naman" sinabi ko din sa aking sarili na kaya ko din! Pagkalipas ng ilang minuto sa pag-aantay ay ipinakilala pa sa akin si Born ang isa pang kapwa pasyente at nagkwentuhan kami tungkol sa mga naranasan nila habang umiinom ng gamot at ang mga side effect na kaakibat nito.

Dahil ako ay bago pa lamang sa inuman noon at hindi pa gaano sanay, madalas ako magmasid sa mga kapwa pasyente ko. Napansin ko na yung iba ang madaming baon. Tinanong ko ang isang pasyente bakit madami siyang pagkain? At ang sabi naman niya ay pulutan daw niya yun. Hindi naglaon ay katulad na din nila ako na kung minsan ay may baon na ding chichiria or prutas dahil minsan ay mas madaling uminom kung may pinapapak na pampatangal umay sa gamot.

Sa bawat pasok ko sa inuman ay madalas kong nakakakwentuhan ang aking mga katabi at mas nakikilala naming ang isa't isa at namumuo na ang pagkakaibigan. Masasabi kong maswerte ako dahil may mga kasama ako na kapwa pasyente din na kaakay ko at karamay ko lalong-lalo na kapag lumalabas na ang side effect ng gamot. Bagama't may iba-iba kaming problema at estado ng pamumuhay ngunit sa problema ng pagkakaron ng MDR-TB at ang mga nararamdamang mga side effect ay alam kong pantay-pantay lang ang mga antas namin. Alam ko din na maiintindihan nila ang hirap na nararanasan bilang isang pasyente.Tiny

Mayroon ding Patient Support Group (PSG) na tinatawag sa loob ng center na binubuo din ng mga pasyente. Ito ay isang grupo na tumutulong sa mga pasyente na kahit paano ay mapagaan ang nararamdaman at makapagbigay saya sa kapwa pasyente. Maliban doon ang myembro ng PSG nagtutulong-tulong upang makagawa at maging maganda ang idinadaos na General Assembly kada buwan sa ilalim ng pamumuno ni Ma'am Pao at ni Sir Ton. Ako ay isang aktibong miyembro ng PSG at dahil dito ay mas nagkaroon pa ako ng kaibigan habang naggagamot at nakatulong pa ako sa kapwa pasyente.

Malaking parte ang pagkakaroon ng kaibigan sa loob ng treatment center sapagkat nakakatulong sila dahil alam kong hindi ako nag-iisa. Sila din ay nakakapagbigay saya sa akin sa oras ng aking kalungkutan at kabaliwan sa depresyon. Malaki din ang tulong nila dahil may mga oras na nakakahugot ako ng lakas ng loob sa kanila upang ipagpatuloy ang gamutan kahit na gusto ko nang sumuko. Kaya nagpapasalamat talaga ako sa mga kapwa ko pasyente na naging parte ng buhay ko sa pakikipaglaban sa sakit na TB. Masasabi kong ang samahan naming ay walang katulad at sa loob lang ng bilangguan na ito ko natagpuan ang mga kaibigang tulad nila.


Tags:

Comments (0)



Add New Comment: