IkatlongBuwanNgGamutan
Isinulat ni Lhady Pink noong 1 December 2015
Sa ikatlong buwan ng aking gamutan (Pebrero 2015) ay maraming nangyari sa loob ng isang buwan; mga hindi inaasahang pangyayari at huwag maging mahiyain. Akala ko sa aking pag gagamot sa araw-araw sa aming TC ay iyon na lang ang aking gagawin. Inom dito, inject diyan, kwentuhan sa mga kaibigan na parang pamilya mo na rin at minsan nagkakaayaang lumabas o kumain. Pero sa hindi inaasahang pangyayari nagkaroon ng panibagong officers ang PSG (Patient Support Group). Ang ibig sabihin daw nito ay ang taga suporta, katuwang at kadamay ng mga kapwa pasyente sa anumang oras ng kanilang pangangailangan. Ang PSG ang magsisilbi "boses ng mga pasyente."
Nung oras na ng botohan o pagtatalaga ng mga kandidato para sa susunod na PSG Officers, ang aking mga kaibigan na pasyente ay naglilista kung sinu-sino ang iboboto nila sa bawat posisyon ng PSG Officers. Nagulat na lang ako na ako na pala ang sinusulat nila para sa posisyon na female role model at hindi lang pala mga kaibigan ko ang boboto sa akin kundi ang mga nakakakilala sa akin at yung iba naman ay tinanong nila ang aking pangalan. Habang ako ay tinatanong, sumasagot naman ako, "Hindi kasi ako makatanggi eh."
Pagkatapos ng botohan at pagtatalaga ng mga candidates sa bawat posisyon, mga ilang araw pa lamang, nagpatawag ng pagpupulong si Supremo (TC staff in charge sa PSG). Ang pagpupulong na ito ay tungkol sa PSG Orientation. Sa usapan na ito ay marami kaming natutunan lalo na ang kahalagahan ng Patient Support Group sa mga kapwa nila pasyente. Nagkakilala pa ng husto ang mga kapwa pasyente. Iminungkahi nila ang kanilang plataporma. Pagkatapos nito, malalaman na kung sino ang mga bagong officers ng PSG. Halos lahat na excite sa magiging resulta. Hindi inaasahan, nakasama ako sa bagong officers bilang Female Role Model. Sobrang akong nagulat na may halong saya at takot. Gulatdahil hindi ko ineexpect na makakasama ako. Saya dahil may panibagong experience na naman akong matutunan at ang panghuli ay takot kasi iniisip ko baka hindi ko magawa ang aking responsibilidad na kaakibat ng aking posisyon.
Halo-halong emosyon ang aking nararanasan. Ang iniisip ko na lang bilang PSG Officer, kailangan maging isa akong mabuting halimbawa sa kapwa ko pasyente. At hindi lang pala iyon, naipakita ko pa sa kapwa ko pasyente ang aking talent. SIla ay aking kinantahan upang sila ay maging masaya at makapagbigay inspirasyon sa kanila habang kami ay nagagamot. Sabi ko sa sarili ko, "Huwag maging mahiyain, ipakita ag talento para maging masaya sila kahit sa simpleng pagkanta lamang."
Ang huli, pinasa na sa amin ang Key of Responsibility ng PSG 2014. Kami na ang magpapatuloy ng kanilang sinimulan.
Comments (0)
Add New Comment: