Hanggang Kailan Kaya?

Hanggang Kailan Kaya?

Isinulat ni Bhe noong 12 January 2016


Noong buwan ng Nobyembre 22, 2015 ay ika-labing apat na buwan ko na sa LCP. Konting araw na lang ang aking bibilangin at nalalapit na ang aking pagtatapos ng gamutan. Sa wakas konti na lang…

BheUnti-unti na rin akong nagpapakita sa mga kaibigan ko kasi sa loob ng isang taon, wala kaming komunikasyon kung ano ang nangyari sa akin, walang nakakaalam kung anong karamdaman ang dumapo sa akin. Basta ang alam lang nila nagkasakit ako, yun lang ang impormasyong alam nila. Ayoko kasing maintriga ako at layuan nila kapag nalaman nila kung ano talaga ang aking sakit. Mas lalo kasing masakit yung malaman nila dahil natatakot akong layuan nila kaya mas maganda na hindi ko ipaalam sa kanila. Tama na yung pamilya ko ang nangutya sa akin kesa sa ibang tao, kasi di ko kayang tanggapin.

Sa ngayon nga halos di talaga ako tanggap sa amin ng pamilya ko kaya kapag may handaan o okasyon di talaga ako sumasama sa kanila. Mas okey na sa akin na ilaan ko sa LCP ang oras ko at pagtambay dun. At least kahit papano may mga kaibigan at kakuwentuhan ako pampalipas oras at sama ng loob. Kahit paano naibsan na ang sama ng loob ko. Alam ko naman na ma-a-out of place lang ako sa pamilya ko. Parang tanga lang ako kapag sumama ako at uutusan, pagagalitan at pagtitinginan lang ako. Kaya ako na lang ang kusang di sumasama. Tama na yung anak ko na lang ang kasama nila at least kasama naman siya ng nanay ko.

Maganda lang ako sa paningin nila kapag may kailangan sila sa akin. Ngayon kasi baliwala ako sa kanila mula noong nagkasakit ako kasi wala na silang aasahan sa akin lalo na pagdating sa pera. Ganoon pala noh? Kapag nagkasakit ka wala na lahat ng naitulong mo; halos hindi ka na kailangan. Paano na kaya kapag wala na ako? Masaya kaya sila? Dahil wala na rin iyong taong nakakahawa sa kanila? Puro tanong na lang ang kaya kong sabihin. Iiyak na lang ako. Hanggang kailan kaya ang pag-iyak ko? Sana naman balang araw lahat ng katanungan ko masagot? Kahit sa mga ka group ko sa LCP di naniniwala sa naging kalagayan ko kaya minsan naghahanap talaga ako ng tunay na kaibigan na handing tumulong at magpayo sa akin. Akala nila para lang akong walang problema.

Sa buhay hindi mo alam mas matindi pa sa pag-inom ng gamot ang sakit na dinaranas ko sa pamilya ko. Anak ko lang ang nagpapasaya sa akin sa araw-araw. Kung hindi dahil sa kanya siguro, ginusto ko nang hindi uminom ng gamot. Lahat gagawin ko para sa kanya. Siya na lang ang pinakamahalaga sa akin. Minsan talaga hindi ko na alam kung hanggang kailan at kung ano ang dapat kong gawin. Basta ang alam ko, sa Panginoon ko na lang ipagdarasal ang araw-araw na pamumuhay ko.


Comments (0)



Add New Comment: