Gulat at Sakripisyo

Gulat at Sakripisyo

Isinulat ni Lhady Pink noong 22 September 2015


Noong unang araw ko sa aking gamutan, ako ay biglang nagulat. Nagulat ako sa dami ng gamot na ipapainom sa akin. Ang aking gamot ay "pitong Lhady Pinkpiraso" kada araw at akala ko iyon na talaga ang aking iinumin araw-araw. Isa lamang pala iyong panimula. At hindi lang gamot ang aking iinumin para gumaling, may kasama pang "injection" sa loob ng anim na buwan. Ang injection na aking kinakatakutan. Noon, tatlong piraso lang, hindi ko na kaya, madami pa kaya. Oh! Di ba nakakasawa at nakakaumay pa. Sa aking pag-uwi ramdam ko agad ang epekto ng gamot lalong-lalo na ang injection kasi pag uwi ko noon, lupaypay at higa ako agad sa bahay. Ayon nag-alala agad sa akin ang aking magulang. Hindi ko pa ramdam noon ang pagsusuka. Kamakailan, naramdaman ko na ang pagsusuka, side effect ng Pto (Prothionamide).

Sa tuwing ako'y pumupunta sa treatment center (TC) sa Lung Center of the Philippines (LCP), kasama ko lagi ang aking pinakamamahal, maaalahanin at maganda kong Nanay. Sa nakikita niyang side effects sa akin ng mga gamot at injection, hindi niya ako kayang iwan noon na mag-isa. Ang mga epekto nito sa akin ay pagkahilo, sakit sa ulo, pagsusuka at pagkasilaw sa araw. Noong isang araw, nasuka na lang ako bigla kaya todo rescue si Nanay para bumili ng plastik, alalang-alala tuloy siya. Lupaypay ng isang linggo dahil sa injection. Pero pagtagal, nasanay na din ako sa epekto na iyon kahit na masakit ang injection. Kasi noong hindi pa ako sanay, hindi ako makatulog ng maayos at nakaupo lamang. Inject sa braso, inject sa pige. Wala nang paglalagyan ng turok kasi lahat na masakit at namamaga pa. Hayan ang mga nararanasan ko araw-araw.

Noon, bigla akong napaisip na parang gusto ko nang tumigil sa pag-inom ng gamot at pagpasok saTC. Kaso naalala ko bigla ang pagsasakripisyo ng aking magulang. Ang pagsama ng aking Nanay sa TC at ang pagsisikap ng aking masipag na Tatay para mabigyan lang ako ng pamasahe. At ang mga maiiwan ko kung sakali ako ay mawawalan sa mundong ito. Kaya sabi ko sa sarili ko, "Tuloy pa ang laban at pagsasakripisyo para ako ay tuluyang gumaling at matupad ang pangarap ko kasama ng aking mga mahal sa buhay, lalong-lalo na ang aking magulang." At ipagpatuloy ang pagdadasal sa Poong Maykapal. Kaya, tuloy-tuloy pa rin ako sa pagpasok sa TC. At dito sa aming treatment center ay nagkaroon at nadagdagan pa ang aking mga kaibigan. Hindi lang pala kaibigan ang matatagpuan mo dito kundi isang pamiya kasi dito, may Nanay na, may Tatay pa at may mga kapatid pa. Simula na ito ng "bagong saya at pag-asa." Ang LCP-TC ay ang aking pangatlong bahay at pamilya.

Ang pagsasakripisyo ay isang naging daan tungo sa tagumpay na aking inaasam at ang panibagong saya at pag-asa na aking makakamtan.


Comments (0)



Add New Comment: