Dakilang Pag-ibig

Dakilang Pag-ibig

Isinulat ni Aldrin Melbourne T. Gerasol noong 25 August 2015


Mapagpalang araw sa lahat. Hayaan ninyong ibuod ko ang kwento ng buhay ko mula ng ako ay unang dapuan ng nakakahawang sakit, ang Tuberculosis (TB), hanggang sa panahong kasalukuyan.Story -Aldrin Melbourne Gerasol

Isang umaga, taong 2009, nagpa-checkup ako at nagpa x-ray dahil sa pagdahak ko ng dugo. Ang sabi sa resulta ay positibo ako sa sakit na tuberculosis at kailangang dumaan ako sa anim na buwang gamutan. Tuwing umaga sa health center malapit sa aming barangay, ako ay nagpupunta para uminom ng gamot (1stLine Drug) pagtapos ay papasok sa eskwela. Libre ang gamot at mabait ang mga staff at nurse doon. Walang bayad ang buong anim na gamutan (Wala din mga adverse drug effect) kaya wala masyadong problema. Minsan nga lang ay nagkakataon na kailangan kong lumiban sa klase para sa checkup. Natapat nga lang kadalasan sa mahahalagang pagsusulit, kaya bumagsak ang grado ko noon. Hindi ko naman masabi sa aming propesor ang tunay na dahilan sa aking pagliban. Natapos ko ang gamutan at nagpatuloy sa pag-aaral.

Taong 2011, ako ay nasa ikalawang taon sa aking ikalawang kurso, ng muling sumpungin ng sakit ang aking ina. Ipinasok naming sya sa isang pribadong pagamutan upang masuri siya ng mga espesyalista (sa kasamaang palad hanggang ngayon ay hindi pa din siya nakakabawi sa kanyang sakit). Napilitan na akong huminto sa pag-aaral dahil sa patong-patong na gastusin at problema. Parang telenobela ang mga pangyayaring naganap. Wala akong magawa kundi tanggapin ang mapaglarong kapalaran at agad na lang itong kinalimutan. Upang makapagpatuloy sa buhay ang aming pamilya, minabuti ko na lang na bantayan ang aking inang may sakit kaysa mag-aral.

Taong 2013, kahirapan at kalungkutan ang patuloy na nagpabigat sa aking damdamin at kaisipan. Sa taon ding ito kumpirmadong nagbalik ang aking dating sakit…ang tuberculosis. Wala na talaga akong makitang pag-asa noon. Gustuhin ko mang magpagamot ay patong-patong na problema ang nakapaligid sa akin. Una rito ay kung sino ang tutustos ng labingwalong buwan na gamutan ko at kung may papalit ba na maiiwan sa bahay para bantayan ang aming ina. Alam kong "WALA". Kaya bahala na, "Kung mamatay e di ilibing", sabi ko pa.

Taong 2014, ikatlong beses na akong tinatawagan ng LCP PMDT staff at nagtatanong kung kailan ko balak magpagamot. Gaya ng sagot ko sa kanila dati, walang susuporta sa akin sa gamutan at wala ring maiwan sa aking ina para bantayan ito. Tutulungan na daw nila ako sa aking pamasahe at gawan na lang ng paraan ang iba pang problema. Pebrero sa taong ding iyon, nakapagsimula na ako sa pagpapagamot (CAT IV MDR TB) kung saan aabutin ng may labingwalong buwan ang gamutan. Ang kuya ko naman ang pumalit at nagparaya sa pagbabantay sa aming ina upang ako ay makapagpagamot. Mula Bulacan, ay lumipat akong mag-isa sa aming lumang bahay sa Quezon City. Bahain ang aming lugar kaya malaking problema tuwing ako ay pumapasok at uuwi sa gamutan lalo na sa tuwing nararamdaman ko ang mga "side effect" ng gamot.

Noong una kong buwan sa LCP ay laging seryoso ang aking pag-iisp, alam ko ang hirap na pinagdadaanan ng pamilya ko sa Bulacan kaya ni hindi ako makatawa o makapagsaya man lang habang nasa gamutan. Sa tulong na din ng mga bagong kaibigan sa pagamutan, mga nurse at staff, at gabay ng Panginoon, dahan-dahang lumiwanag ang magulo at madilim kong kaisipan. Naging aktibo akong miyembro ng PSG (Patient Support Group) na tumutulong at nagpapasaya sa kapwa pasyente. Namulat naman lalo ang aking mga mata ng mabuo ang "Ka-Baga" isang task force na naglalayong hanapin at hikayating bumalik sa gamutan ang pasyenteng "Interrupter". Bukod pa doon, napunta din ako sa kung saan-saang lugar upang makibahagi sa mga pulong na naglalayong palawakin ang kaalaman sa sakit na tuberculosis. Kasama ang mga kaibigang pasyente, may malayang kaisipan, binuo naming ang Art News 18 (Association of Rational Thinkers) na naglalayong gamitin ang sining upang mailabas at maipahayag ang nialalaman ng kaisipan at damdamin ng kapwa pasyente. Naging makabuluhan para sa akin ang buhay ko ng mapasok ako sa LCP.

Ngayong nalalapit na ang araw, Septyembre 3, 2015, hudyat na katapusan ng labingwalong gamutan. Muli akong babalik sa tunay na mundo bilang tagabantay ng may sakit na ina, kung saan naging alipin ako ng kalungkutan, kahirapan at ng karamdaman. Hindi ko pa din alam kung anong kinabukasan mayroon ang bentesais anyos, nagtapos bilang MDR-TB Iskolar ngunit hindi pa tapos ng pag-aaral sa kolehiyo at ngayon ay lumantad sa harap ng mapanghusgang lipunan sa paghahanap ng kalayaan. Hindi ko pinangarap na maging alipin pa ng stigma dulot ng sakit na tuberculosis, nararapat lang na hindi na ito ipamana sa susunod na salinlahi.

Salamat sa lahat, baon ko ang ating mga ala-ala. Sa ngalan ng PSG, Ka-Baga Task Force, Art News 18, TB Malaya at ng mga kaibigan, para sa dakilang layunin! Gabayan nawa tayo ng Pag-ibig na dakila!

-Bourne


Tags: Pasyente

Comments (1)

  1. Aldrin Melbourne T. Gerasol

    stuart:
    Sep 20, 2015 at 11:54 PM

    Bourne,

    Hindi ko alam kung narinig mo na ito pero madalas itong banggitin ng aking asawa, "There's always a reason for everything that happens under heaven." Lahat ng iyong pinagdaanan, mga pagsubok at paghihirap, ay ibinigay sa iyo kadahilanang maaaring hindi pa natin maiintindihan sa ngayon. Pero dahil nalagpasan at napagtagumpayan mo ang mga ito, alam kong hindi magtatagal at maiintindihan mo rin ang kagalingan ng mga plano sa atin ng Maykapal.

    Saludo ako sa iyo Bourne! Ipagpatuloy mo ang iyong nasimulan! May magandang buhay na naghihintay sa iyo! (^^,)

    Stuart

    Reply



Add New Comment: