Biyaya ng Buhay
Isinulat ni Bhe noong 25 August 2015
Tawagin nyo na lang akong "Bhe". Yun po kasi ang karaniwang tawag sa akin. Kasalukuyan akong nagpapagamot sa Lung Center of the Philippines. Sa edad kong tatlumpu't lima, marami na akong naranasan sa buhay, hirap at ginhawa. Gusto ko lang ibahagi ang aking karanasan sa kasalukuyan bilang isang pasyenteng may MDR-TB.
Bago ako nagsimula ng gamutan, matiyaga ako sa lahat ng bagay upang makamit ko ang gusto ko sa buhay. Lumaki ako sa na hindi buo ang aking pamilya. Tatlong taong gulang pa lang ako ng maghiwalay angmga magulang ko pero hindi naman nila kami pinabayaan ng mga kapatid ko.
Akala ko wala ng lunas ang karamdaman ko. Una kasi ang pagkakaalam ko nakakahawa ang sakit ko! Para kasing katapusan ko na noong nalaman ko ang aking sakit at mas masakit pa dun ay buntis ako ng dalawang buwan ng panahong iyon. Akala ng asawa ko simpleng ubo't sipon lang ang karamdaman ko. Kasi yun ang sabi ng doktor dito sa pribadong ospital. Nangalap ako ng iba't ibang kaalaman upang malaman kung saang ospital ako maaaring magpagamot. Sa isang programa sa radyo (serbisyong publiko ng DZRH), dun ko nalaman ang mga dapat na puntahan. Meron silang "Operasyon Tulong" kung saan libreng magtanong. Narinig ko sabi ng doktor dun sa programa na kahit buntis pwedeng uminom ng gamot sa "TB" basta tamang paraan at naaayon sa reseta ng espesyalistang doktor sa baga. May libreng gamutan din.
Kinabukasan, agad-agad akong nagpunta kasama ang aking ina. Doon po sinabi ko sa doktor ang mga katanungan ko at sinabi sa kanya lahat-lahat ng mga naiisip ko. Binigyan nya ako ng request for PHU. Idinetalye lahat ng dapat kong gawin. Pagkalipas ng dalawang linggo nalaman ko na MDR-TB ang sakit ko. Nag-umpisa ako ng gamutan noong Setyembre 19, 2014. Yun ang unang araw kong uminom ng maraming gamot. Una kong "drug ramping" yon. Iyon din ang araw na di ko makalimutan kasi kahit kasagsagan ng bagyong Mario sumugod ako at ang aking ina sa Lung Center upang malaman ang resulta at upang makainom ng gamot. Buong Maynila yata noon ay walang pasok sa trabaho at sa paaralan. Huli na kasi bago sinabi na walang pasok.
Pero buti na lang may mga staff at nurses na pumasok nun. Di raw nasayang yung punta ko. Ang sa akin ay sumunod ako sa utos at tamang payo ng mga doktor. Ayoko kasing lumiban sa pag-inom basta lang gumaling ako. Setyembre 22, 2014 sinimulan ang pagbibigy sa akin ng full dose. Sa tulong ng mga tao sa LCP-PMDT, doon ko lahat-lahat nalaman ang mga bawal at di dapat gawin upang lubusan akong gumaling. Nagkaroon ako ng mga maraming kaibigan at ng kakwentuhan na mga pasyente din. Ibinabahagi namin ang mga bagay na naranasan naming, bakit kami nagkasakit ng TB. Sa bawat pasyente na nakikilala ko, nabubuhayan ako ng loob upang lumaban para na din sa anak ko na nasa aking sinapupunan. May mga nagtatanong sa aking kung balang-araw matatanggap ko ba kung ang anak ko ay maapektuhan ng gamot sa TB na iniinom ko. Pati pamilya ko tinatanong nila sa'kin yon. "Oo, kasi biyaya ng Diyos sa akin ang bata sa sinapupunan ko at lahat simpleng problema lang 'to." Ito ang palaging sagot ko sa kanila.
Balang araw malalagpasan ko ito. Basta gagawin ko ang tama. Sabi ko noon, pagkaraan ng pitong taon, magkakaroon din ako ng anak. Kaya lahat gagawin ko para sa aking pamilya. Nakikiisa ako sa lahat ng aktibidad upang lumawak ang kaalaman ko. Ang sabi ng asawa ko, " Isipin mo na lang nag-aaral ka bilang 'iskolar' sa iyong sakit". Kaya nalilibang ako at di pinababayaan ang aking sakit at ang anak ko. Lahat ng mga bagay na hindi ko alam, mga sintomas tinatanong ko sa mga staff, nurses at lalong lalo na sa doktor.
Marso 21, 2015,sumapit ang araw ng aking pangangan. Nagsilang ako ng isang malusog na sanggol na babae. Inalagaan din ako ng aking doktor sa panganganak at pati dito sa Lung Center. Ang daming mga kapwa ko pasyente ang nagtatanong kung naging malusog ang aking anak. Basta sinasabi ko na lang salamat sa lahat ng tumulong sa akin. Kasi isang biyaya ang dumating sa akin at sa ngayon may tunay na akong kayamanan. Isang ganap na akong babae at matatawag na akong ina. Hindi rin ako lumiliban kapag may pasok upang inumin ang aking gamot para mawala na siBacteria… Tsak… Tsak…
Ako din yung kauna-unahang walang ineksyon. Yun lang ang hindi ko naranasan dito, yung sakit ng tusok ng karayom. Palagi nila akong inaasar. Bakit daw wala ako non… ang daya ko daw! Hehehe…
Sabi ko blessing ni Lord yun bakit wala ako nung ineksyon. Sa ngayon pang labing-isang buwan ko na dito. Lumalaban at umaasang lubusang gagaling…
"God has a plan and purpose for you. Wait and be amazed."
"Prayer is an exercise of love."
Comments (0)
Add New Comment: