Ang Pagpupugay sa mga Walang Pangalan
Isinulat ni Jayson Ferariza noong 20 October 2015
Ano nga ba ang patient volunteer? Gaano sila kahalaga at ano ang tungkulin na kanilang ginagampanan? Ang patient volunteer ay kadalasan binubuo ng mga pasyenteng nagkaroon ng sakit na TB cured o on-going. Sila ang nagiging treatment partner ng mga bagong pasyente. Sila ang minsan taga-linis ng kalat ng mga pasyente kapag walang janitor. Kasama sila ng mga health worker sa pagbibigay ng inspirasyon at payo sa mga pasyente upang ipagpatuloy ang kanilang gamutan. Sila ang naghahatid at nagpapa-inom ng gamot sa bahay ng pasyenteng may trabaho o nagÂaaral (home based DOTs) gabi-gabi 8pm hanggang 10pm para hindi lumiban sa gamutan. Sila ang mga taong 'walang' pangalan, hindi kilala, hindi si Batman, hindi si Ironman at hindi si Heneral Luna. Sila ang mga simpleng tao na gumigising ng maaga at naglilingkod sa mga pasyente na walang hinihintay na kapalit o sahod. Iilan lamang yan sa mga kayang gawin ng isang patient volunteer ngunit sa kadahilanan na walang pera nalilimitahan ang aming pagtulong.
Sa aking karanasan bilang isang patient volunteer ito ay hindi madali. Bukod sa pinansyal na aspeto ito ay nakaka-stress, nakakadismaya at nakakatakot. Hindi madali sa akin ang maghanap ng pamasahe para pumunta sa treatment center. Cured na ako noong 2010 at wala na akong nakukuhang transportation allowance. Ngunit sa kagustuhan na makatulong gumagawa ako ng paraan. Kung minsan nakaka-stress, may oras na inaaway ako ng mga pasyente at natikman ko na rin ang mamura 'GAGO KA!'. Kung hindi siya pasyente malamang nasuntok ko s'ya. Inintindi ko na lang. Mainit talaga ang ulo ng mga pasyente dahil sa kanilang nararamdaman. Araw-araw nakikita ko ang paghihirap nila, gusto ko na wag silang lumiban sa gamutan.
Ako ay dismayado sa kabila ng maigting na kampanya laban sa TB. Bakit marami pa din ang namamatay? Marami pa din ang pasyente na matitigas ang ulo na ayaw sumunod sa tamang proseso ng gamutan. Nakakapagod tumulong sa taong ayaw tulungan ang sarili nya. Natatakot din ako na dahil sa pagpunta ko sa treatment center bilang isang volunteer, pwede uli akong mahawa sa sakit na TB. Wala kaming hazard pay o kahit anong benepisyo na makukuha. Mayroong pasyente na nagtanong sa akin. Aniya "Hindi ka ba natatakot na baka mahawa ka uli ng TB?" Tugon ko, "Natatakot pero masarap sa pakiramdam na nakakatulong. Makita ko lang kayo na matapos ang gamutan sulit lahat ng pagod at para na rin kaming sumahod!"
Sa kagustuhan na makatulong sa kapwa pasyente hindi natin kailangan ng kapangyarihan o pangalan katulad ng mga simpleng bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaang inaasam. Ang kailangan ay 'sakripisyo'. Ako si Jayson Ferariza, pangalawa sa magkakapatid at anak ni Eliseo na nakatira sa Tondo. Ipinapangako ko na hangga't ako'y nabubuhay hinding-hindi ako magsasawa na tumulong sa kapwa ko pasyente.
Maraming salamat.
Comments (0)
Add New Comment: