Ang Paghihirap
Isinulat ni Lhady Pink noong 25 August 2015
Ako po si Lhady Pink, hindi ko po ito tunay na pangalan, isa ko lamang itong alyas. Ako po ay nasa edad dalawampu't apat na taong gulang na nakatira sa isang lugar sa Quezon City. Nakapagtapos po ako ng elementarya sa taong 2004 at ang sumunod naman ang highschool sa taong 2008 hanggang ang kolehiyo sa taong 2013. Makikita niyo po na malaki po ang agwat ng highschool hanggang sa pagtapos ko ng kolehiyo. Taong 2007 naman po ako ay nagsimulang maglingkod sa simbahan at sumali sa isa sa mga organisasyon sa aming simbahan. Sa aming organisasyon ay napabilang po ako sa naging lider sa aming organisasyon. At nakapagtrabaho din po ako ng dalawang buwan lang. Natuklasan at nagkaroon po ako ng sakit na TB noong ako po ay nag-aaral sa highschool. Kaya po ito na ang simula ng aking kwento.
Noong highschool ako, puro puyat dahil paggawa ng proyekto, takdang-aralin at kung anu-ano pa na may kaugnayan sa eskwela. Sa pagpupuyat ko inaabot ako ng hanggang 3:00 ng madaling araw hanggang sa matapos ko ang aking gawain sa pag-aaral. Tapos noon kahit pagkain, kinakalimutan ko ng kumain basta matapos ko lang iyong mga takdang-aralin ko para maipasa sa tamang oras at tinakdang araw ng titser. Mapili pa ako noon sa pagkain dahil minsan hindi ko gusto iyong kinakain ko puro na lang manok, baboy at iba pang hindi masustansyang gulay. Nagpapatuyo ng pawis. Diyan nagsimula iyon lahat. Hindi ko pala alam na bumababa na pala ang resistensya ng aking katawan at kalusugan. At nang dahil sa tigas pa din ng ulo, ipinagpatuloy ko lang ang ganitong gawain. Nang dahil sa pinag-gagawa ko noong highschool pa ako, bigla akong nangangayat, nilalagnat sa hapon o hindi kaya pabalik-balik na lagnat at inuubo na higit na sa dalawang linggo. Noong nagkaroon kami ng pera, agad kami pumunta sa doktor upang magpasuri, pagkatapos kong masuri, pina x-ray ako ng doktor. Pagkalabas ng resulta, ang sabi sa amin ng doctor, ako daw ay may sakit na TB. Kasama ko noon ang aking nanay. At sinabi ng doctor na magpagamot ako upang hindi na iyon lumala. Ako ay nagulat sa ganoong resulta dahil may sakit na pala akong "TB" na hindi ko alam. Ang mga sintomas pala ng ganoong sakit ay pangangayayat, pabalik-balik na lagnat at ubo kahit anong inuming gamot hindi mawawala. At sinabi sa amin ng doktor kung may malapit daw na health center kasi may libreng gamutan daw sa sakit na "TB".
Pumunta kami doon ng aking nanay. Pagdating namin doon, sinuri ulit ako, ipinakita ang x-ray tapos binigyan ng lalagyan ng plema para malaman daw kung may sakit ako na TB. Ilang araw pa lang pinabalik kami sa center dahil nag positibo daw ako sa sakit na TB at dahil doon, anim na buwan akong iinom ng gamot. Ako ay gumaling pagkatapos ng anim na buwang gamutan. Nawala ang ubo, hindi na nilalagnat at tumataba na ulit ako. At dahil doon, nakapag-aral na ulit ng maayos at sumali sa isang organisasyon sa simbahan. Nang matapos ko ang highschool, natuon naman ako sa simbahan at sa aming organisasyon. Hanap-hanap naman din ako ng eskwelahan kung saan ako magkokolehiyo. Ayun nga, nakapag-aral ako sa isa sa mga unibersidad sa Maynila. At ang kurso ko doon ay Computer Science. Pero naka-isang semester lang ako doon dahil kinapos na sabudget ang aking magulang kaya iyon tinuon ko na lang sa paglilingkod ko sa simbahan at sa aming organisasyon. Kaya ito, umpisa na naman ako dahil sa aming organisasyon, ensayo, bible study, prayer meeting, maglilingkod sa misa, Biblia, dasal at ang iba pang aktibidad ng aming organisasyon. Nag-uumpisa na naman ako malipasan ng gutom, mapagod at mapuyat kasi lagi ng ginagabi sa pag-uwi. Minsan inaabot na ng madaling araw pero wala pa rin akong pakialam kung bumalik ulit ang aking sakit ng TB o kaya humina ang resistensya ko basta makapaglingkod ako sa Diyos at makatulong sa aming organisasyon. Masaya na ko at makumpleto ang araw ko na makapag silbi. Nakakagaan kasi ng loob at pakiramdam. Simula ng naglingkod ako, hindi ko pa nagawang lumiban noon. Kasi hindi kumpleto ang araw ko pag hindi ako nakapagsilbi. Tapos noong unting-unti ko na naman nararamdaman ang mga sintomas ng TB katulad na lang na nilalaganat ako pero iniinda ko lang iyon. Tuloy-tuloy pa rin ako sa pagsisilbi sa simbahan kahit may sakit na ako o kaya nararamdaman hangga't kaya ko pang maglingkod, maglilingkod ako. Matigas kasi ulo ko. Hanggang sa nangangayayat na naman ako at inuubo pa, tuloy-tuloy pa din ako sa pagsisilbi at makatulong sa organisasyon namin, kasi ang lagi ko naming iniisip na kasama at gagagabayan naman ako ng Diyos. At nung nalaman ko na umulit ang sakit ko, nalungkot ako at nagtanong sa Diyos, "Bakit ako pa? Bakit ako nagkasakit ng ganito? Naglilingkod naman po ako sa Inyo ng 100%." Nagtanong ako sa kanya ng ganon. Kaya iyon ginamot na naman ako pero hindi na sa center kundi sa private doctor na, tatlong buwan ang aking gamutan noon. Tapos noon gumaling ulit ako at hindi nakapag- follow up agad kasi maginhawa na naman ang aking pakiramdam. Haist! Pangalawang gamutan na iyon. Nakakalungkot talaga. Magaling na naman ako.
Noong pagdating ko na ng kolehiyo sa taong 2011, ito ay nawala ulit. Nakapag-aral din ng maayos, nakapaglingkod ng maayos dahil wala na naman ang sakit na TB. Pero ng nakalagitnaan na naman ng aking pag-aaral sa kolehiyo, ako ay inuubo na naman at pabalik-balik na lagnat at pangangayat dahil ganon na naman ang mga ginawa ko dati. Ngapapalipas ng pagkain, nagpupuyat, namimili ng kakainin, nagpapatuyo ng pawis. Hndi ko na naman ito pinansin. Hangga't sa matapos ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo sa taong 2011-2013 sa kursong Management in Information Technology. Pagkatapos ng aking kolehiyo, agad akong naghanap ng trabaho. At doon nga nakahanap nga ako ng trabaho. Sa aking pagsisimula ng trabaho, sinusumpong na naman ako ng ubo, nilalagnat na naman. Tapos hindi na ako minsan makahinga. Sa trabaho palang ito, dito pala lumalala ang aking sakti na TB. Dahil nandito iyong naaamoy ko na materyales na bawal sa akin katulad ng rugby, amoy ng tela at iba pa. Dahil din dito, bumigay ang aking katawan, iyong oras na papasok na ako, naninikip iyong dibdib ko, hindi ako makahinga. Ang kasama ko lang noon ay ang aking pamangkin. Nasa trabaho si Papa at si Mama na sa kanyang kaibigan. Tinawagan namin ang aking Mama dahil ang pamangkin ko lang ang aking kasama sa bahay. Kinalaunan ako'y nahimasmasan. At dahil doon, hindi ako nakapasok sa aking trabaho at tuluyan ng nag-resign dahil hindi na kaya ng katawan ko.
At dahil doon hindi na rin ako nakapagsilbi sa simbahan at nakatulong sa aming organisasyon kasi bumibigay na ang aking katawan. Tulad na lang na hindi makatulog ng maayos kasi malala ang ubo, laging nilalagnat, walang ganang kumain. Naninikip sumasakit ang dibdib at likod. Iyong panahon na iyon na parang gusto ng bumigay ng katawan ko at magpahinga ng tuluyan. Iniisip kong para sa pamilya ko, magulang ko, makapaglingkod ulit at matupad ang mga pangarap ko sa pamilya ko at sa organisayon na kinabibilangan ko. Napaisip tuloy ako na gusto kong gumaling at magpapagamot ako ulit. Iyong panahon na iyon, tamang-tama kasi sa health center nagtratrabaho ang aking Ate kaya ayon pumunta ulit kami doon at binigyan ulit ng lalagyan ng plema. Inantay ulit namin ang resulta. At sinabi sa aming positibo ako ulit sa TB. Akala ko hindi malala. Tapos noon nirekomenda kami ng health center sa Lung Center of the Philippines. Kaya pala nirekomenda kami doon kasi hindi na kaya ng gamot ng center ang gamot sa aking sakit kasi ito ay nag-level up na, ito ay tinatawag ng MDR-TB. Mas lumala na pala ang sakit ko.
Nalaman ko na 18 to 24 months iyong gamutan. Agad akong nalungkot. Napaisip. Iniisip ko ang patuloy na pagsasakripisyo ng aking magulang sa akin. Kahit sobrang tigas ng ulo ko hindi pa rin sila tumitigil sa pagsuporta at sa pagsasakripisyo nila upang gumaling ako. Iniisip ko din iyong mga panahon na walang dumalaw sa akin sa bahay noong malaman na may sakit ako. Sinasabi nila na abala sila at walang oras para dumalaw. Napatanong ako sa sarili ko noon, "Anim na taon akong nasa organisasyon kahit isa walang dumalaw. Hinintay pa nila na sabihan ng nanay ko para sila dumalaw." Kaya iyon, dahil gusto kong gumaling, ako ay nagpagamot noong November 2014. Hanggang ngayon patuloy pa rin ako sa gamutan. Lahat nag-flashback sa akin noong nalaman ko ang aking sakit na MDR-TB.
Hanggang dito lang po muna ang aking kwento. Abangan niyo na lang ang susunod na istorya nung simula na akong uminom ng gamot hanggang sa kasalukuyan. Maraming salamat po sa mga mambabasa. Nawa'y nabigyan po kayo ng inspirasyon.
FIGHT! FIGHT! FIGHT!
GO! GO! GO!
God bless us all.
Comments (0)
Add New Comment: