Ang Hindi Mawala-walang Stigma

Ang Hindi Mawala-walang Stigma

Isinulat ni Maricel R. Buen noong 19 October 2015


Maricel R. BuenMayroong stigma na laging nakapaloob kapag sinabi mong may tuberculosis (TB) ka sa baga. Hindi ito madaling tanggapin lalo na kapag pinag-uusapan ang pagkakaroon ng ganitong sakit. Karaniwan, kapag nalaman ng mga tao, kapitbahay mo man o kamag-anak mo pa, nandyan na pandidirihan ka, minsan lalayuan, at iiwanan ka pa. Kung kailan may sakit ka, wala kang maasahang pagpapahalaga. Yung iba pati mga ginagamit mong kasangkapan tulad ng baso, plato, kutsara at tinidor, ihihiwalay pa nila sa ginagamit nila. Kaya ko nasabi ito ay dahil sa naobserbahan koi to noong bata pa ako. Nung magkasakit ang lolo ko, yun mismo ang ginawa ng mga kamag-anak ko. Kaya nung unang makasakit ako ng TB, 'yon din ang ginawa ko. Sabi ko para hindi ko mahawaan ang mga anak ko. Mali pala ang paniniwalang ganito.

Kaya nung malaman ko na bumalik ang sakit kong TB nawalan na ako ng pag-asa. Naranasan ko rin na pagpasa-pasahan ng mga health center lalo na iyong mga barangay healthworker sa aming lugar. Hindi nila alam kung saan ako mapupuntang pagamutan. Nanghihina na talaga ako noon kaya ang sabi ko, "Bahala na. Hindi na ako magpapagamot. Mamatay na kung mamatay." Ngunit naalala ko ang mga anak ko na kung saan-saan at kung kani-kanino lalaki kaya nagpasya akong magpagamot.

Noong magpakonsulta ako sa pribadong doktor sa Lung Center of the Philippines at nalaman ng doktor na nagpagamot na ako dati ng TB sa loob ng anim na buwan , ini-refer nya agad ako sa LCP-PHDU. Pinakunan nila ako ng direct sputum smear microscopy (DSSM) at ang result ay positibo ako +3. Pinagpasa ulit ako ng plema para sa isa pang pagsusuri, ang GeneXpert. Makalipas ang isang linggo, araw ng pagkuha ng resulta ng GeneXpert, kinakabahan ako. Halo-halong emosyon, hindi ko maipaliwanag. Lumabas ang nurse upang magbigay sa akin ng resulta. Ang nakalagay sa papel ay MTB detected at rifampicin resistant daw ako. Tinanong ko sya kung paano at ano 'yon. Ang sabi nya kailangan ko daw magpagamot ulit. Kailangan ko daw pumunta sa tent 1 para kausapin ng social worker. Hindi ko na alam kung ano ang nararamdaman ko. Natulala na ako sa dami ng ipinaliwanag ng social worker. Ang naiintindihan ko lang, kailangan kong sumailalim sa gamutan ng isa't kalahating taon sa LCP-PMDT at kinakailangang araw-araw pupunta sa treatment center. Kailangan ko munang kompletuhin ang mga requirements tulad ng social worker statement sa aming lugar. Ang sabi ko, "Sige po payag po ako. Gawin nyo na lahat sa akin basta gumaling lang ako."

Nang nakumpleto ko ang mga requirements ay nagpunta na agad ako sa LCP-PMDT para ipasa ang hinihingi nilang, Byernes noon, July 13, 2013. Kinabukasan, pumunta sa aming tahanan ang isang social worker, si Ms. Maricor Enciso, at isang nurse, Mark Anthony Habal, mga staff sa treatment center. Nagpakilala sila sa Tita Norma ko na. Tinanong nila ang Tita ko kung kaya nilang suportahan ang pamasahe ko sa pagpapagamot. Ang sabi ng tita ko, oo (pero namroblema pa ako kung saan kukuha ng pamasahe). Kaya ang sabi ng social worker,"Makakapag-umpisa na si Maricel sa Lunes, July 16, 2013 para sa baseline."

Kaya nag-umpisa na nga ako. Dito ko nalaman na ang pinaniniwalaan kong mga kasabihan at kaugalian tungkol sa TB ay malaking pagkakamali.


Tags: Pasyente, MDRTB

Comments (0)



Add New Comment: