Ang Hindi Inaasahang Daan
Isinulat ni Aldrin Melbourne T. Gerasol noong 5 January 2016
Ika-dalawampu't pito ng Disyembre taong dalawang libo't labing-lima, sadyang napakabilis ng panahon. Mag-a-apat na buwan na din ang lumipas noong matapos ko ang aking labing-walong buwan na gamutan sa Lung Center of the Philippines (LCP). Ganon pa man, patuloy pa din ang pagnanais ko na makapag-ambag kahit papaano sa pagpapababa ng kaso ng Tuberculosis sa ating bansa.
Setyembre labing-siyam taong dalawang libo't labing-lima. Kasama ang mga manunulat (bloggers) ng TB Malaya, kami ay inanyayahang lumahok sa isang workshop sa Tropical Disease Foundation sa Makati. Ang workshop na ito ay naglalayong paghusayin ang aming abilidad sa pagsulat ng mga artikulo dito sa website upang mas maging mabisa ang aming mga impormasyong nais ilahad.
Setyembre dalawampu't anim sa parehong taon, araw ng Sabado, buwanang pagtitipon iyon ng Samahan ng Lusog Baga (SLB) at unang araw ko bilang miyembro nito. Isa itong rehistrado at aktibong samahan na naglalayong wakasan ang TB dito sa Pilipinas. Ito ay binubuo ng mga taong gumaling na sa sakit at bukas pusong nagnanais maging TB advocates. Pagdinig sa mga hinaing ng mga pasyente, pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa sakit, at pagpaparating sa mga pangangailangan at tamang pagkalinga sa mga pasyente sa kinauukulan ang ilan sa aking nasaksihan aktibidad na ginagawa ng SLB. Marami pang proyekto ang kanilang pinaplano sa mga nalalapit na buwan at asahan niyong muli kong ibabahagi ang mga ito sa mga susunod na artikulo.
Pagkatapos ng pagtitipon na iyon ay napag alaman ko na maari pala akong mag-volunteer worker sa hospital. Katuwang ng mga doktor at nurse sa pangangalaga sa kalusugan ng mga taong katulad ko na minsang pinahirapan ng sakit, hindi ko pinalampas ang oportunidad na makapagsilbi ako sa ibang tao dahil alam ko na may maitutulong ako sa kanila kahit papaano dahil minsan din akong dinapuan ng TB at alam ko kung gaano kahirap iyon.
Oktubre labing-siyam sa taong din na 'yon, ay nagsimula na ako sa pagiging volunteer worker sa LCP. Masaya at nakakatuwang isipin, na ako na umiinom ng gamot dati ay ngayo'y katuwang na ng mga pasyente sa kanilang gamutan. Gayon pa man ang pagiging volunteer worker pala ay hindi din ganon kadali. Kailangan mo ng mahabang pasensiya at pag-unawa sa mga pasaway na pasyente. Ngayon ay mas nauunawaan ko na din ang mga staff ng hospital kung bakit kailangan nilang maging mahigpit kung minsan.
Ika-syam ng Nobyembre hanggang labing-dalawa sa taon ding 'yon, kami ay nanatili sa El Cielito Inn sa siyudad ng Baguio upang dumalo sa Philippine Country Coordinating Mechanism (PCCM) Key Affected Population (KAP) Training Camp. Ang training na ito ay naglalayong maturuan ang mga KAP (taong may sakit, dinapuan ng sakit at mga taong mataas ang tiyansang dapuan din ng sakit) sa pag-gawa ng proposal kung paano masu-solusyunan ang patuloy na pagdami ng kaso ng may mga sakit.
Marami pang-aktibidad ang naganap matapos nuon. Ilang pagpupulong pa at ilang mahahalagang pangyayari sa hospital ang naganap. Naging abala kami kaya hindi na ako kaagad nakapag labas ng artikulo dito sa TB Malaya. Sana ay makayanan kong ibahagi sa inyo ng mas detalyado ang bawat mahahalagang pangyayaring nagaganap sa aking paligid.
At bago ko tapusin ang artikulo ko nais ko munang ibahagi ang natutunan ko sa nagdaang mga buwan. Ang pagkakaroon ng sakit ang mas lalong nagpapahirap sa ating bayan, kaya umiwas tayo sa masamang bisyo kung nais mong umasenso.
Salamat hanggang sa susunod na artikulo.
Comments (0)
Add New Comment: