Ang Buhay ng Manlalakbay
Isinulat ni Bb. Hugottera noong 1 December 2015
Ako si Aliman a.k.a. "Bb. Hugottera", bunso ako at nag-iisang babae sa tatlong magkakapatid. Lumaki ako sa pangangalaga lamang ng butihin kong ina at mga kapatid. Sanggol pa lamang ako ng nagkahiwalay ang aking magulang. Hindi ko naranasan na magkaroon ng kumpletong pamilya na kung saan nariyan ang ama na susuporta sa kanyang anak. Namulat ako sa magulong pamilya na kung saan ang isyu parati ay pera.
Nang nakatapos ako sa hayskul taong 2009 inisip ko agad na magtrabaho muna upang makatulong ako sa aking ina. Nag-apply ako sa isang mall bilang sales lady. Matapos ang ilang interview natanggap ako. Sobrang saya sa pakiramdam na tila ikaw ay nasa alapaap. Bagamat naipasa ko ang nasabing interview, may isa pa palang gagawin at iyon ay ang chest x-ray.Nang matapos ko ang x-ray agad raw ito ipapasa sa nasabing kumpanya. Ilang araw din ang lumipas bago nila ako tinawagan. Agad akong pumunta sa kumpanya ngunit ibinigay lamang nila sa akin ang x-ray result at sinabing "Sorry, hindi ka pwede". Nagulat ako sa sinabi nila at tinanong ko kung bakit, ngunit wala silang ibinigay ni anumang sagot.
Lubos akong nasaktan sa pangyayaring iyon at para akong binagsakan ng langit sa sobrang sakit. Binasa ko ang x-ray result na kung saan ay may nakasulat na "PTB minimal in left upper lobe". Matapos ang pangyayaring iyon hindi ko sinabi sa pamilya ko kung ano ang tunay na naging resulta. Pinagpatuloy ko ang buhay at nag-enroll ako sa isang eskwelahan na hindi nangangailangan ng x-ray results or medical clearance. Isang taon akong nag-aral ng computer programming. Nais kong matulungan ang pamilya ko, makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang kinabukasan. Sa pagkakataong ito nagkaroon ako ng panibagong pangarap. Nais kong maging isang huwarang guro kaya nagdesisyon akong kumuha ng batsilyer ng agham na nagpapakadalubhasa sa wikang filipino.
Taong 2012, naging maayos ang unang-taon ko sa kolehiyo pinag-igihan ko na magkaroon ng maayos na grado gayun din naman sa pangalawang taon ko sa kolehiyo. Habang unti-unti ko ng naabot ang kagustuhan kong makapagtapos ng pag-aaral mas lalo kong nararamdaman na humihina ang aking pangangatawan. Sa ikatlong-taon ko sa kolehiyo ,unang semestre pa lang ay bigla na lang akong nanghina, sumakit ang kaliwa kong dibdib at nahirapan na akong huminga. Agad kaming komunsulta sa malapit na ospital at iyon pa rin nga ang resulta. Nagulat ang pamilya ko tulad din dati ng pagkagulat ko. Matapos ang araw na iyo'y nagumpisa na ako ng gamutan sa TB.
Binigyan ako ng reseta ng doktor na kung saan puro branded ang mga gamot na pinabibili. Kasabay din nito, sa tuwing ika-tatlong buwan ay mayroong check-up na nagaganap. Hindi pa rin ako sumuko. Nag-enroll pa rin ako sa unang semester ng aking ika-apat na taon sa kolehiyo. Dumaan ang mga buwan na patuloy akong inuubo at sa gabi ay nilalagnat. Halos hindi tumitigil ang pag-ubo ko kung saan napapansin na ito ng aking mga guro at kamag-aral. Isang gabi noon, gumagawa ako ng proyekto sa isa kong asignatura, biglang uminit ang aking pakiramdam. Ako'y napatayo kasabay nito ang mahinang pag-ubo na may kasamang pula sa aking dura. Inulit ko ito ng inulit hanggang sa sinala ko sa aking kamay. Nagulat ako dahil dugo na pala ang idinudura ko. Matapos ang pangyayaring iyon pumunta ako sa ospital at sinabi ng doktor sa akin na lumalala ang aking sitwasyon. Para akong nasa kawalan habang akoý naglalakad. Hindi ko na alam kung ano pa ang susunod na mga mangyayari ngunit isa lang ang nasisigurado ko at iyon ay hindi ko na matatapos ang susunod pa na semestre.
Ako ay nagdesisyon na hindi muna mag-e-enroll sa ikalawang semestre, kung saan ay nalalapit na ang graduation. Kahit mahirap, pinili ko pa rin na sundin ang payo sa akin ng aking magulang na magpagamot sa panibagong ospital at iyon ay sa San Lazaro Hospital. Nobyembre 11, 2014 ng mag-umpisa ako ng panibagong gamutan. Sa pagkakataong iyon hindi ko na mawari kung ano pa ang gusto kong gawin sa buhay. Nawalan ako ng pag-asa na matutulungan ko pa ang aking pamilya at gayon din ang aking sarili. Para sa akin ang mundo ay puro kalungkutan. Labis akong nasaktan at nahirapan ngunit makalipas ang ilang buwan unti-unti ko ng natatanggap ang bawat pangyayari sa aking buhay. Ito ay isa sa mga pagsubok na dapat nating pagdaanan. Ang paniniwala at pananalig sa Diyos ang siyang tunay na magdadala sa iyo sa tunay na mundo at kagandahan ng buhay.
Higit kong naintindihan na itong buhay ko ngayon ay mayroong panibagong yugto. Hindi ko man natapos ang aking pag-aaral umaasa pa rin ako na mayroong tamang panahon para dito. Nais ko pa ring tumulong kaya hindi ko hinayaan na kainin ako ng galit at poot. Sa ngayon ako ay isang officer ng aming grupo. Ang pangarap ko na maging isang guro ay hindi natatapos sa pag-aaral bagkus ito ay dadalhin ko hanggang sa kasalukuyan at sa pamamagitan ng antas ng aking pinag-aralan ninanais ko na maging isang ganap na manunulat.
"Sa araw-araw mayroong nagaganap na himala kailangan mo lang magtiwala."-Bb.hugottera.
Comments (0)
Add New Comment: