Sino Ka Ba?

Sino Ka Ba?

Isinulat ni Dra. Lua Eclevia-Macalintal noong 25 August 2015


Sino Ka Ba?

Sa aming trabaho bilang TB healthworker, kinakailangang naming magsuot ng N95 masks bilang proteksyon at upang hindi kami mahawa ng MDR-TB. Ang mga pasyente namin ay nasanay na na makita kaming nakasuot ng masks palagi. Isang araw, habang tumatawid ako sa daan, nakita ko ang isa naming pasyente at binati ko sya. Nagtaka sya, at tiningnan nya ako ng maiigi ngunit hindi nya talaga ako makilala. "Sino ka ba?" ang tanong nya sa akin. Nginitian ko sya at pagkatapos ay tinakpan ko ang aking ilong at bibig, at ang sabi ko, "O, sino ako?". Kapwa kami tumawa at sinabi nya, "Ay, doktora, ikaw pala!"

Huling Hiling

An gaming mga pasyenteng may MDR-TB ay kinakailangang sumailalaim at tapusin ang gamutan na hindi bababa sa labingwalong buwan. Sa panahon ding iyon ay kinakailangan silang pumunta araw-araw sa klinika upang masiguro na naiinom nila ang kanilang gamot sa TB. Malimit nilang nakikita kaming mga healthworker na suot ang aming mga N95 masks.

Abot-abot ang pasasalamat at halos maiyak pa si JM, isa sa aming mga pasyente, nang naideklarang magaling na sa sakit pagkatapos makumpleto ang gamutan sa loob ng dalawampung buwan. Meron syang naging huling hiling. Ang sabi nya, "Bago ko inumin ang last dose ko, gusto ko po munang makita ang mukha niyo." Wow, sa loob-loob ko, para pala akong artista! Pumunta kaming lahat ng healthworkers sa labas ng klinika and nagtanggal ng aming masks. Naramdaman ko ang labis nyang kaligayahan ng araw na iyon. Nangingilid ang luha, nagkamayan kami at nagyakap.

Pagpapaubaya

Napakahirap maging isang doktor. Kami ay tinitingala bilang manggagamot, pinagmumulan ng lakas at ginhawa. Sa panahon ng paggagamot ng MDR-TB, ang mga pasyente at mga doktor ay nakakabuo ng isang malakas na ugnayan bilang magkaibigan. Si JG ay isa sa aming mga pasyente. Sya ay labis na nahihirapan sa gamutan dahil sa maraming side effects ng mga gamot na kanyang nararanasan. Dahil doon, madalas syang lumiliban sa pagpunta sa klinika upang uminom ng gamot. Dumating sa punto na ang kanyang plema ay muling nagpositibo sa bakterya ng TB at nanatili itong ganito ng matagal na panahon. Kinailangan naming baguhin ang kanyang mga gamot at magdagdag pa ngunit nanatili pa rin syang positibo sa TB.

Iminungkahi sa kanya ang magpa-opera ng kanyang baga ngunit sya ay tumanggi. Batid nyang hindi bumubuti ang kanyang kalagayan sapagkat pinapaalam naming sa kanya ang resulta ng mga pagsusuring sa kanyang plema. Inabot kami ng mahigit dalawang taon na pakikipaglaban sa TB bago kami tuluyang bumigay at sumuko na.

Dumating ang sandaling kailangan na naming sabihin sa kanya na hindi naging matagumpay ang kanyang gamutan ngunit wala ni isa sa amin ang magawang sabihin iyon. Isa sa aming mga doktor ang kumausap sa kanya at ipinaliwanag ang kanyang kalagayan. Tinanggap ito ng maluwag ni JG; ang sabi pa nya, alam daw nya na mangyayari iyon.

Ng gabing iyon, nag-text si JG sa aking ng mensahe ng pasasalamat sa Tropical Disease Foundation at sa programang PMDT. Nakakamangha na ang kanyang mensahe ay pagtanggap, pagpapaubaya at pananalig sa Panginoon. Sa aming palitan ng mensahe, ipinaalam ko sa kanya na ako ay umiiyak na sapagkat hindi naming sya napagaling sa kanyang TB.

Isa akong doctor; minsan ako ang pinagmumulan ng lakas at ginhawa. Ngunit si JG ang syang nagpakita ng lakas. At sa halip na ako ang magbigay ng lakas at ginhawa sa kanya, sya pa ang nagbigay sa akin nito.

 


Tags:

Comments (0)



Add New Comment: