Bukod Tanging Pangangalaga na Walang Tanging Binukod: Isang Panayam Kay Dr. Jon Mamaril
Isinulat ni Stuart Pancho noong 25 August 2015
Una kong nakilala si Dr. Agustus Mamaril noong 2011 nang kami ay magkasama sa isang training para sa Programmatic Management of Drug-resistant TB (PMDT). Aktibo, palakwento, palakaibigan, at kwela, hindi mahirap na makapalagayan ng loob si Doc Jon para sa marami. Pero sa pagdaan ng mga taon na nakilala ko pa siya, hindi rin mahirap na humanga sa kanyang dedikasyon para bigyang serbisyo ang kanyang mga pasyente, lalo na ang mga may sakit na tuberculosis (TB) at drug-resistant TB (DR-TB). Kaya naman sa kauna-unahan kong panayam para sa TB Malaya, hindi mahirap piliin si Doc Jon, ang National TB Control Program (NTP) Medical Coordinator ng Lungsod ng Caloocan at bukod tanging doktor ng Gracepark Health Center.
Stuart: Doc Jon, bigyan mo naman kami ng maiksing background tungkol sa'yo.
Doc Jon: Ako si Doc Jon. Graduate ng Fatima (Our Lady of Fatima University) Batch '94. Doktor sa Caloocan Health Department mula pa nung 2000. Nakibahagi sa programa (NTP) mula pa noong 2006 at sa PMDT simula noong 2011.
Stuart: Paano ka Doc nagsimula sa Caloocan Health Department?
Doc Jon: Bago kasi ako napunta sa Caloocan Health Department, mayroon akong private clinic. Tapos "nagmu-moonlight" din ako sa mga ospital. Nang magsimula ako sa Caloocan Health Department, ang ibinigay sa akin ay yung Camarin Health Center. Originally, dapat ang pagtutuunan ko ng panahon ay yung lying-in clinic. Kami kasi yung isa sa mga naunang health center sa NCR (National Capital Region) na na-train sa BEmONC (Basic Emergengency Obstetrics and Newborn Care). Ang plano talaga para sa akin ay pangasiwaan ang BEmONC.
Stuart: Paano ka Doc napalihis sa NTP?
Doc Jon: Alam mo Stu, aksidente lang. Meron noong schedule ng training (Philhealth Accreditation Certification) pero walang gustong pumunta. Kelangan ng limang dadalo pero hindi makahanap ng pang-lima. Nagkataon naman na wala akong ginagawa nung panahon na iyon kaya ako na ang pinapunta. Nangyari naman makaraan ang ilang buwan, na-promote yung coordinator na nauna sa akin. Kaya nung naghahanap ng papalit, naalala nila ako mula dun sa training kaya ako naimbitahan. Kaya aksidente lang talaga.
Stuart: Buti na lang nagkaroon ng aksidente (tawanan). Pero kung dala lang pala ng pagkakataon, bakit mo pinili at pinanindigan na tuluyang pangasiwaan ang programa ng TB sa Caloocan?
Doc Jon: Ang sakit na TB ay matagal na matagal nang problema sa ating bansa. Marami nang tao na sana kung nabuhay pa nang matagal, marami pa sanang nagawa para bansa natin. Dagdag pa diyan meron din akong kamag-anak na yan ang ikinamatay.
Stuart: Doc, paano ka naman na-involve sa PMDT?
Doc Jon: Siyempre dahil ako yung coordinator para sa NTP, natural lang na ma-involve sa PMDT. Kaso noong unang makita ang Gracepark Health Center na posibleng maging PMDT facility, lahat ng staff ayaw. Lahat (ng staff) as in lahat nagpalipat kahit nga yung dental aide. Nang ako na ang naging doktor sa Gracepark, dun lang siya nagsimulang maging PMDT facility. Ang nakakatuwa dito, lahat nung mga nagpalipat ay hindi rin nakalusot at involved na rin sa programa (tawanan).
Stuart: Nakakatuwa naman yun Doc. Ngayon ikaw ang NTP Coordinator ng Caloocan tapos ikaw din nagpapatakbo ng mga programa ng DOH (Department of Health) sa Gracepark, bukod pa sa pag-tayong doktor para sa PMDT. Paano mo naba-balanse ang lahat?
Doc Jon: Pumapasok lang ako ng maaga. Kasi yung dinadahilan na nauubusan ng time? Malamang late yun dumarating. Ako maaga lang ako dumarating. Yung lang naman ang sikreto ko dun eh.
Stuart: Sa ngayon, may mga problema ba kayong kinakaharap?
Doc Jon: Nauubusan na kami ng lugar para sa lahat sa Gracepark. Lugar para sa tutuk gamutan, para sa screening, para sa mga gamot, at para sa mga pasyente. Pati nga yung kainan namin eh nagagamit na rin ng mga pasyente (tawanan). Kasi puno talaga kami ngayon. Meron kaming 151 (pasyenteng DR-TB), mga 130 yung pumupunta sa amin para uminom araw-araw.
Stuart: Maiba tayo ng kaunti. Labas sa trabaho mo sa Caloocan Health Department at sa Gracepark Health Center, anu-ano ang iyong pinagkaka-abalahan?
Doc Jon: Si God, biking tsaka music kasama ng anak ko.
Stuart: Aktibo ka Doc sa Church?
Doc Jon: Hindi kasing aktibo katulad ng gusto ko pero pwede na.
Stuart:Mukhang maganda ang relasyon mo sa iyong anak ah?
Doc Jon: Sana (tawanan). Magkasama kami madalas magbike at tumugtog ng gitara. May nalalapit nga kaming reunion at sabay kaming tutugtog.
Stuart: May mga pinagtanungan ako na ilang pasyente mo at maging ang iyong staff, sabi nila ikaw daw ay simpleng tao.
Doc Jon: Siguro dahil hindi ako nag-uutos sa health center. Yung sa umaga, pagdating ko dun (Gracepark), hindi ako naghihintay na dumating ang mga staff ko para mag-ayos ng mga gamit. Noong minsan nga, maaga akong dumating, nag-ayos muna ako ng lahat ng mga kakailanganing gamit. Yung malaking timbangan, lamesa, malaking electric fan… May mga dumi pa nga ako ng electric fan kasi nadikit yung braso ko. Tapos may kumatok sa gate, "Magandang umaga si Dr. Mallari andyan na ba?" "Ay sandali po," sinagot ko. Pinaupo ko yung pasyente, naghilamos muna, tapos inasikaso ko na. Matapos kong gawin lahat ng dapat gawin para dun sa pasyente, biglang nagsabi sa akin, "Ah manong, wala ba si Dr. Mallari dyan?" (tawanan) "Eh wala ho (natatawa), wala hong Dr. Mallari dito." Edi nagpakilala ako at na-shock sila.
Stuart: Sabi ng mga nakapanayam namin, ikaw daw ay masayahin. Madalas magpatawa ng mga staff at pasyente.
Doc Jon: Ganun talaga ako pero minsan sinasadya ko talaga magpatawa lalo na sa mga pasyente kasi nga may nararamdaman na sila. Matagal pa silang naghihintay bago makaiinom kasi nga limitado yung lugar namin, nakakatulong yung may joke every now and then para di masyadong ma-stress. Pati yung mga dumarating para magpa-screening nakikita na nagkakatuwaan kami, naguusap-usap. Nagbibigay ito ng dating sa pasyente na masaya ang gamutan sa amin.
Stuart: Ikaw daw ay maalalahanin sa iyong mga staff lalo na sa kalusugan nila.
Doc Jon: Yes. Halimbawa sasabihin ko sa kanila wag nila akong gayahin kasi talagang wala akong choice kelangan ako maagang lumuluwas dahil malayo ako. Dumating sila ng maaga kung kaya nila. Pero lahat kami dapat uuwi sa takdang oras. Pag hindi tayo sa takdang oras umuwi, naii-stress tayo beyond our capability, naaapektuhan yung ating resistansya. Yun ang palagi kong pinaaalalahanan sa kanila.
Stuart: Sabi ng mga nakapanayam namin, ikaw daw ay mapagpahalaga sa iyong mga staff.
Doc Jon: Siyempre pag may magandang nagagawa o may napapagaling na pasyente, hindi lang naman dahil yun sa doktor. Napakalaking bahagi dun ang mga staff lalo na yung tumututok sa gamutan ng ilang buwan. Kaya pag nabibigyan tayo ng papuri or parangal, pare-pareho dapat kami, para sa amin yun pantay-pantay.
Stuart: Inilalarawan ka ng iyong mga staff bilang isang taong napaka-positibo ang pananaw sa buhay.
Doc Jon: Hindi totoo siguro yan (tawa). Kasi alam mo sa center hindi mo ako makikitang nagrereklamo eh. Nagrereklamo ako sa sahod, delayed ganun (tawa). Pero hindi mo ako makikitang nagrereklamo. Anumang problema, gawan ng paraan yan hangga't maaari. Anumang bagong pinapagawa o idinadagdag sa gawain namin, sige subukan muna natin.
Stuart: Sabi ng iyong mga pasyente, sinisigurado mo daw palagi na naiintindihan nila ang kanilang sakit at kundisyon.
Doc Jon: Totoo yan. Hindi pa rin kasi maalis-alis ang misconception sa TB sa ating bansa at 2015 na. Nasa Metro Manila tayo, meron na facebook tsaka websites pero marami pa ring misconceptions. Meron nga kaming isang pasyenteng (DR-TB) na nakatapos sa gamutan at nagbigay ng testimonya sa Facebook group namin. Mula pa noong naggagamot pa lang siya sa Category I, hindi daw niya talaga naiintindihan ang sakit niya. Nagpapasalamat siya kasi nung nakausap niya lang daw ako sa screening talagang napaliwanag at naintindihan ang sakit niya. Kaya nung napag-alaman na drug-resistant siya, hindi siya nagdalawang-isip magpagamot.
Stuart: Isa pa sinasabi nila, may malaking puso ka daw sa iyong mga pasyente. Lagi mong iniisip yung kapakanan ng mga pasyente.
Doc Jon: Dapat naman (tawa). Dapat naman iniisip yung kapakanan ng pasyente.
Stuart: Sa ilang taon mo na ngayon na pagiging doctor para sa mga pasyenteng may TB at MDR-TB, mayroon ka bang mga hindi ka malilimutan?
Doc Jon: Marami Stu. Pero ito, nung 2012 may pasyenteng dumating kasama yung asawa niya, medyo matanda na sila pareho. Kakapaliwang namin, sinabi naming pag walang bakterya yung plema, hindi malalaman kung tatalab yung gamot o hindi. Kaya tiyakin sa bahay pa lang naka-yelo na. Pagbiyahe naka-yelo na. Pagdating dito naka-yelo. Kami din pagdating ng plema naka-yelo din kami. After several hours, hindi pa rin umuuwi yung mag-asawa at mukhang nagaalala. Kaya bago kami mananghalian tinanong ko, "Ma'am-Sir, may problema ba?" "Eh doktor," sabi nung pasyente. "Naintindihan namin ang sabi niyo. Pero wala ho kaming yelong (dilaw) damit (tawanan). "Ay hindi po yellow, ice tinagalog ko lang pero ice (tawanan). Maraming ganun Stu… pwede na nga akong gumawa ng libro na parang si Miriam.
Stuart: Doc napag-alaman kon na meron daw kayong motto dito sa Gracepark Health Center. Pakibahagi mo naman sa amin Doc.
Doc Jon:Matagal na yan. Simula pa nung nag-bukas kami nung 2011 bilang PMDT facility. "Exceptional Care Without Exception" o sa tagalog, "Bukod Tanging Pangangalaga na Walang Tanging Binukod." Ibig sabihin, wala kaming tatanggihan na pasyente. Sabi ko sa staff ko, wag tayo magpauwi ng pasyente na walang napala. Naipaliwanag natin yung "Paunawa". Napakolektahan ng plema. Babalik na lang kung may kinakailangan pang ihabol. Wala talaga kaming tinatanggihan. Pangalawa, parang hindi lang naman talaga Caloocan yung aming area. Pag galing Malabon na yan, bigay ng Tayuman, bigay ng San Lazaro, or kahit walk-in, wag naming tanggihan.
Maraming pasyente kasi pag sikat na doctor ang napuntahan, oo napagaling maganda yung gamot pero hindi napaliwanagan. Sa sobrang dami ng pasyente walang time makipag-usap. Kaya nga sa ngayon marami kaming walk-in kasi sila ay referral ng dating pasyente, referral ng ongoing pasyente, pati referral ng na-screen namin na hindi naman namin naging pasyente. Kaya marami kaming dumarating diyan. So kahit walang referral ng medical health worker, ipa-process pa rin namin. Pag active TB sige tingnan natin kung gagawin natin. To follow na lang yung referral ng kung sino dapat mag-refer.
Pagdating naman sa tutok gamutan, nagsisimula kami ng alas-7 ng umaga para magbigay oras sa mga nag-aaral at nagtatrabaho. Tapos pag may darating pa ng lagpas alas-4/alas-5 ng mga pasyente, tatanggapin pa rin namin basta magpapaalam o magtetext lang sila para pede sila hintayin ng konti.
At kung makikita mo Stu, kahit defaulter na siya ng CAT I, defaulter din ng CAT II, umulit pa rin siya defaulter ng gamutan sa DR-TB, tatanggapin namin kasi as a PMDT facility, tayo na lang ang last hope ng mga pasyente natin nay an eh. Tayo na lang ang last hope.
Stuart: Sa pagtatapos ng aking panayam Doc, may mga gusto kang mensahe sa mga kapwa natin health workers lalo na yung mga nasa program ng TB?
Doc Jon:Well, kahit hindi na lang TB, kahit hindi MDR-TB, maging mabait at mapagpasensya sa inyong pasyente. Kasi dun palang, kahit walang nararamdaman talaga yan, kapag nakuha mo yung loob nila kahit papaano iigi ng onti yan. Pangalawa yung papaano ka magsalita, minsan mabilis ako magsalita pero tagalog at medyo malambing. Kelangan ganun sa pasyente. Kahit mukhang psychological lang naman yung nararamdaman, maging mabait ka pa rin. Kahit makulit na yung iba paulit-ulit na yan na yung tanong kahapon yan rin yung tanong ngayon di ba, at mukhang yan uli yung tanong bukas, sagutin pa rin natin. Hindi mawawala ang sakit na TB kung tayong lahat ay hindi mapagpasensya. Lahat tayo bigyan natin ng oras ang pasyente natin. Importante ang oras mo, importante din ang oras nila. Pumunta sa iyo yan eh. Kung hindi ka kelangan niyan hindi pupunta sa iyo yan.
Naging puno ng tawanan at kabuluhan ang aking panayam kay Doc Jon. Lalo akong humanga sa kanya at kung papaano niya bigyang pagpapahalaga ang mabigyan ng narararapat na serbisyo ang lahat ng kanilang pasyente. Kailangan natin ng maraming health worker na katulad ni Doc Jon. Sa kanyang mga halimbawa, nawa'y maisabuhay din natin ang mga salitang "Bukod Tanging Pangangalaga na Walang Tanging Binukod."
Si Stuart ay isang nurse at naging bahagi ng programang Programmatic Management of Drug-resistant TB (PMDT) sa loob ng syam na taon. Nagsimula sya bilang clinic nurse sa Tropical Disease Foundation, Inc. (TDF). Naniniwala sya na ang tamang kaalaman ay may malaking papel sa pagkontrol ng sakit na TB sa bansa.
Comments (0)
Add New Comment: