Ang TB Malaya

Ang TB Malaya

Ang tuberculosis (TB) ay isa sa mga pangunahing sakit at sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino. Tinatayang 63 na Pilipino ang namamatay kada araw sa sakit na TB at libo-libo pa ang patuloy na nahahawaan sa ating bansa. Bagama't ito ay nalulunasan sa pamamagitan ng tamang gamutan, mahalaga ang tamang impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ang TB Malaya ay ang salitang Filipino ng katagang TB Free na syang mithiin ng ating pamahalaan para sa ating bansa. Ang TB Malaya ay isang advocacy project na naglalayong makapagbigay at makapagpalaganap ng tamang kaalaman tungkol sa sakit na TB, drug-resistant TB, maging ang iba't-ibang programa sa ilalim ng National TB Control Program ng Department of Health. Ang proyektong ito ay nagsilsilbing daan upang maibahagi ang mga tamang impormasyon kabilang na ang mga bagong panuntunan sa pagsugpo sa sakit at mga istorya ng mga piling indibidwal na may karanasan sa sakit na TB at drug-resistant TB sa bansa.

Ang TB Malaya ay sinimulan ni Mildred Fernando-Pancho at ng kanyang asawa na si John Stuart Pancho noong Nobyembre 2013. Si Mildred ay dating pasyente na may Extensively Drug-resistant TB (XDR-TB). Mula nang gumaling sya sa sakit na TB ay naging aktibo syang advocate sa loob at labas ng bansa. Ipinalabas ang istorya ng kanyang buhay sa Maalala Mo Kaya noong Oktubre 2013 bilang bahagi at hakbang sa pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa sakit na TB.

Si Stuart naman ay isang nurse at naging bahagi ng programang Programmatic Management of Drug-resistant TB (PMDT) sa loob ng syam na taon. Nagsimula sya bilang clinic nurse sa Tropical Disease Foundation, Inc. (TDF) kung saan nakilala nya si Mildred. Sa kalaunan ay naging empleyado din ng TDF si Mildred. Kapwa naniniwala si Mildred at Stuart na ang tamang kaalaman ay may malaking papel sa pagkontrol ng sakit na TB sa bansa.

Sa pakikipag-ugnayan ng dalawa sa TDF at sa tulong at suportang ibinigay ng TDF ay naitatag ang TB Malaya website. Ang TDF ay isang pribadong organisasyon na itinatag noong 1984 na naglalayong kontrolin at pigilan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit na may mga pampublikong kabuluhan sa pamamagitan ng pananaliksik, pagsasanay at pagkakaloob ng mga kaukulang serbisyo na napapanahon.

Nilalayon ng TDF na higit pang makatulong hindi lamang sa mga taong may sakit na TB, kundi maging sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman ukol sa sakit na ito. Ang layuning ito ang nagbunsod sa mga taga-pamahala ng TDF upang suportahan ang TB Malaya.

Matatagpuan ang TDF sa Philippine Institute of Tuberculosis Bldg., Amorsolo St., Lungsod ng Makati. Mayroon itong DOTS Clinic at PMDT Clinic sa unang palapag at makabagong laboratoryo para sa TB sa ikalawang palapag.

Website: www.tdf.org.ph

Inaanyayahan namin ang lahat na makiisa sa proyektong ito hanggang sa makamit natin ang isang bansang Malaya sa TB.

 

Makipag-ugnayan sa TB Malaya

Sa mga nagnanais makiisa at magbahagi ng kanilang karanasan, larawan, video o anumang material na may kinalaman sa TB, maaari kayong mag-iwan ng mensahe sa aming website at mga social media accounts (FB, Twitter, Instagram) o magpadala ng e-mail sa tbmalaya@gmail.com